FEU Tamaraws ni coach Racela, maglalabas ng bagong angas
- BULGAR
- Sep 30, 2022
- 2 min read
ni VA - @Sports | September 30, 2022

Sa pagkawala ni RJ Abarrientos na nagdesisyong hindi na tapusin ang kanyang playing years sa Far Eastern University at sa halip ay piniling maglaro sa Korean Basketball League, malaking kuwestiyon ngayon kung sino ang mamumuno sa kampanya ng Tamaraws sa UAAP Season 85.
Pero hindi nababahala dito si coach Olsen Racela na naniniwalang mayroong lilitaw na bagong lider para pamunuan ang Tamaraws.
"Life goes on for us," anang FEU mentor. "This is another opportunity para roon sa mga ibang players to step up and it's their chance to shine."
Nariyan si L-Jay Gonzales na tiyak na magkukumahog na makabawi sa ipinakita nyang mababang performance noong nakaraang season upang mapatunayan na isa siya sa mahuhusay na point guards sa collegiate level.
Hindi rin magpapahuli sina Xyrus Torres, Royce Alforque at Bryan Sajonia na nakahanda ring punuan ang naiwang puwang ni Abarrientos sa kanilang koponan.
Inaasahan namang makakatuwang nila si Patrick Tchuente na syang poposte sa gitna gayundin sina James Tempra at Ximone Sandagon na impresibo sa kanilang pagiging role players para sa Tamaraws sa nakaraang offseason.
Hindi magpapatalo pagdating sa talento ang line-up ng FEU.Pero ang tanong ay kung sino sa kanila ang iigkas kung kinakailangan para mamuno sa Tamaraws.
Samantala, buhat sa pagiging kulelat o cellar dweller ng mahigit tatlong dekada, sasabak sa unang pagkakataon ang University of the Philippines sa UAAP Season 85 men's basketball tournament bilang pangunahing paborito.
Ang nasabing sitwasyon ay sinisikap na makasanayan ng Fighting Maroons para sa gagawin nilang pagsabak sa torneo bilang defending champion at sa misyong ipagtanggol ang kanilang titulo. Sa pangunguna nina Gilas Pilipinas standout Carl Tamayo kasama sina Zavier Lucerio, JD Cagulangan at Malick Diouf, itinalaga ng kanilang mga katunggaling coaches ang Diliman-based squad bilang team to beat.








Comments