Feeling super blessed… WILL, 2 ANG PELIKULA SA MMFF
- BULGAR
- 55 minutes ago
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 19, 2025

Photo: IG Will Ashley
Bago pumasok sa Bahay ni Kuya para sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition (PBBCCE), nakapag-audition na si Will Ashley para sa pelikulang Bar Boys 2: After School (BB2AS) at pumasa siya kay Direk Kip Oebanda.
Nang ma-extend nang ilang beses ang PBBCCE, nangamba ang batang aktor dahil baka palitan siya dahil binigyan siya ng target date ng shooting na hindi nasunod.
Nalaman niyang nagsimula na ang shooting, kaya lalo siyang naaligaga. Kaya pala nadaanan ko minsan na kausap niya si Big Brother at nabanggit niya na may project siya at baka hindi na niya magawa o mahintay. Gustung-gusto pa naman daw niya ang project na ito.
Kaya naman, nang makalabas ng PBB house si Will, kinabukasan ay may shoot na agad siya ng BB2AS bilang entry sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) na mapapanood simula December 25.
Sadya namang hinintay si Will ni Direk Kip dahil para sa kanya talaga ang karakter na Arvin, na nag-aaral at nagtatrabaho sa isang coffee resto bar na pag-aari ni Emilio Daez, na dumaan din sa audition.
Unang nakatrabaho ni Direk Kip si Will sa Cinemalaya movie ni Marian Rivera na Balota na ipinalabas noong 2024 bilang anak ng aktres.
Ilang beses na-nominate si Will sa Balota, pero sa Star Awards for TV siya napansin bilang Best Supporting Actor, na hindi naman niya personal na natanggap dahil nasa shooting siya ng Love You So Bad (LYSB) mula sa Star Cinema, GMA Pictures, at Regal Entertainment na entry din sa MMFF.
Aniya, “Pangarap ko lang po dati na mapasama sa MMFF. Sino ba naman po ang mag-aakala na dalawa pa (ang entry). Sobrang blessed po talaga. Sobrang grateful lang sa mga nangyayari.”
Nang hingan ng reaksiyon ang aktor sa papuri sa kanya ni Direk Kip, sabi niya, “Happy
naman po marinig ‘yun, pero teamwork po talaga ‘yung ginawa namin. Lahat po kami nag-compromise sa pelikulang ito. Lahat po, ibinigay ang puso namin para magawa itong pelikula na maganda.”
Dagdag pa niya, “Noong nabasa ko po ‘yung script, nagkaroon po s’ya ng impact sa puso ko, lalo na po ‘yung character ni Arvin. Para s’ya sa mga tao. Kumbaga, maraming makaka-relate rito. Ginagawa niya ito para sa mom niya, sa magulang n’ya. Malapit din po s’ya sa pagkatao ko.
“Siguro naging mahirap lang po para sa akin ‘yung maibalik ako sa pag-arte kasi ang tagal ko nga pong nawala pagkatapos ng Balota. Medyo nawala po ‘yung utak ko kasi sobrang overwhelming, pero tinulungan nila akong ma-ground, na maibalik kung sino ako.”
Na-star struck daw si Will kay Ms. Odette Khan.
“Pinapanood ko lang po s’ya. Sabi ko kay direk, gusto ko pagtanda ko, ‘yun ako. Sobrang goosebumps po talaga. Gusto ko po mag-iwan ng legacy dito sa industry na ito. Si Miss Odette po ‘yung isa sa magandang halimbawa,” malumanay na sabi ng binata.
Samantala, bukod kina Emilio at Will, kasama sa BB2AS sina Carlo Aquino, Kean Cipriano, Enzo Pineda, Rocco Nacino, Therese Malvar, Klarisse de Guzman, Bryce Fernandez, Sassa Gurl, at Glaiza de Castro.
Mula sa direksiyon ni Kip Oebanda at katuwang niyang nagsulat ng script sina Carlo Enciso Catu at Zig Dulay, produced ito ng 901 Studios nina Jon Galvez, Leo Liban, at Carlos Ortiz.
PINANGUNAHAN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto ang panunumpa sa tungkulin ng dalawang bagong Board Members ng ahensiya noong Martes, Disyembre 16, 2025 na ginanap sa MTRCB Liezl Martinez Hall, Quezon City. Ito ay sina Nestor Cuartero at Evylene ‘Bing’ Advincula.
Pinalitan nila sina Jerry Talavera, na nagtapos na ng kanyang termino, at Michael Luke Mejares na nagbitiw noong Nobyembre 11, 2025.
Si Cuartero ay isang beterano at multi-awarded na mamamahayag na may ilang dekadang karanasan sa industriya ng media. Naging guro siya ng mahigit 20 taon sa Department of Communication and Media Studies ng Faculty of Arts and Letters ng University of Santo Tomas.
Samantala, si Advincula ay dating executive officer ng Robinsons Movieworld at naging Board Member ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP). Dala niya sa MTRCB ang malawak na karanasan at kaalaman sa operasyon ng mga sinehan at ugnayan sa industriya ng pelikula.
Tiwala si Sotto na ang mga bagong miyembro ay magbibigay ng mahahalagang pananaw at higit pang magpapatibay sa mandato ng ahensiya.
Aniya, “Kumpiyansa akong makatutulong sila sa aming mandato lalo na pagdating sa pakikipagtulungan sa industriya at sa pagtaas ng tiwala ng publiko. We thank President Ferdinand R. Marcos, Jr. for entrusting the MTRCB with leaders who bring integrity, expertise, and a deep understanding of the media and film industry.”
Nagpasalamat din si Chair Lala kina Talavera at Mejares sa kanilang serbisyo at dedikasyon sa ahensiya.
Aniya, “Lubos kaming nagpapasalamat kina dating Board Members Talavera at Mejares sa kanilang trabaho. Malaki ang naitulong nila sa pagsusulong ng misyon ng MTRCB.”




