Feb. 17 ang alis ng 'Pinas… KINUMPIRMA NI CRISTY: KRIS, SA TATE MAGPAPAGAMOT
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | February 17, 2022

Kinumpirma ni Nanay Cristy Fermin sa radio program niyang Cristy Ferminute na napapakinggan sa Radyo5 92.3 News FM at napapanood sa One PH YouTube channel at Cignal play app na ngayong araw, Pebrero 17, ang lipad ni Kris Aquino kasama ang dalawang anak na sina Joshua at Bimby patungong Amerika.
Matatandaang nasulat namin dito sa BULGAR nitong Pebrero 13 na kapag umokey ang blood result ni Kris at mabigyan siya ng go signal para makabiyahe ay aalis sila para sa kanyang medical emergency.
Pero hindi naman binanggit ng Queen of All Media kung kailan ang alis nila at sa CFM program episode nitong Pebrero 15 ay sinabi ni ‘Nay Cristy kasama si Romel Chika na ngayong araw nga ang alis nilang mag-iina.
Sabi ng batikang manunulat sa programa, “Kapapasok lang sa aming telepono ni Japs Gersin (director at assistant ni ‘Nay Cristy) — siyempre, wala kaming clue kung sino ang nag-text pero ang aming source ay hindi nanununog at hindi nangunguryente — ang pag-alis po ni Kris Aquino at ng kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby ay sa Feb. 17 na po. Ibig sabihin, sa Huwebes ito at ang kanilang destinasyon ay Amerika.
“Dati po, si Kris Aquino ay nagpapagamot sa Singapore sa matagal ding panahon, (at) ganu’n din po, isinama rin niya ang kanyang mga anak para alam niya ang nangyayari nang malapitan, hindi malayuan, ganu’n din po ngayon, kasama niya ang magkapatid sa Amerika naman at baka raw tumagal siya ru’n ng tatlo hanggang apat na buwan.
“Ang dalangin po namin, ang pabaon po namin kay Kris Aquino, sana nga po ay bumuti na ang kanyang sitwasyon, matunton na sana ang ugat at dahilan kung bakit siya namamayat at nanghihina.
“Sana po, pagbalik niya rito sa Pilipinas, ibang Kris Aquino na po ang makaharap, nadagdagan ang timbang, alam na kung saan nagmumula ang kanyang sakit. ‘Yun lamang po, ipagpatuloy pa rin natin, idalangin ang kanyang kalusugan.”
Mula sa BULGAR, safe travel, Ms. Kris Aquino at sa mga kasama niya.





Comments