FAMAS Best Actor ka-tie ni Piolo… ALFRED, SHOCKED NA TINALO SINA DINGDONG, ALDEN, CEDRIC AT KEN

ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 7, 2024

Masaya at proud na proud na humarap sa entertainment press kahapon ang 72nd FAMAS Best Actor awardee na si QC 5th District Councilor Alfred Vargas para sa kanyang thanksgiving party.
Nagwagi si Konsehal Alfred para sa pelikulang Pieta kung saan naka-tie niya sa Best Actor award si Piolo Pascual para naman sa Mallari.
First Best Actor trophy ito ni Konsi Alfred sa FAMAS kaya ganu'n na lang siya kasaya at ka-proud.
Pero tulad ng mga usual nang ganap at eksena sa iba pang awards night, hindi exempted si Konsi Alfred at naintriga rin na bayad umano ang Best Actor trophy niya, kahit pa nga mas una siyang in-announce na winner kesa kay Piolo.
Without batting an eyelash naman itong sinagot ni Konsi Alfred na walang katotohanan ang akusasyong binili niya ang trophy niya sa FAMAS.
"Una, hindi po totoo 'yun. Pangalawa, sa lahat po ng mga nakapanood ng Pieta, malalaman nila 'yan, so manood sila ng Pieta," sagot-hamon ni Konsi Alfred sa mga bashers niya.
Dagdag pa nito, "Mabigat itong trophy, every inch, every gram nito, pinaghirapan natin, kaya proud na proud po tayo."
Oo nga naman, bakit 'di muna panoorin ng mga nanghuhusga kay Alfred ang
Pieta movie nila nina Superstar Nora Aunor, Ms. Gina Alajar at Jaclyn Jose (SLN) bago siya akusahan na walang 'K' at binili lang ang kanyang Best Actor trophy.
Kahit nga ang long-time manager ni Konsi Alfred na si Manay Lolit Solis ay nanindigang walang scam na nangyari.
"Walang scam, 'no! Nanalo siya on his own," diretsong pahayag ni Manay Lolit.
Ang nilinaw at inamin ni Konsi Alfred na binayaran niya sa FAMAS ay ang dinner plate na worth P5K each para sa kanyang kasamang anim na staff.
Siya raw bilang nominee ay wala namang bayad, gayundin ang iba pang nominees sa Pieta na sina Direk Jerry Gracio, Direk Gina Alajar at Direk Adolf Alix, Jr., kaya 'yung slot ng tatlo na hindi nakadalo, ibinigay na lang niya sa kanyang mga staff at 'yung natira na lang ang binayaran niya.
So, klaro na ba?!
Isa pang nilinaw ni Konsi Alfred, hindi niya expected na mananalo siya at in fact, nag-iisip na nga raw siya ng ika-caption para sa mananalo kapag nag-post siya sa kanyang socmed account para batiin ang winner.
Kaya laking-gulat din daw niya nang talunin niya sina Dingdong Dantes (Rewind), Alden Richards (Family of Two), Cedric Juan (Gomburza) at Ken Chan (Papa Mascot).
Kaya sa mga nang-iintriga sa Best Actor award ni Alfred Vargas, panoorin n'yo muna ang Pieta kapag nagkaroon na ito ng regular screening sa mga sinehan soon.
Anyway, congrats, Konsi Alfred at more movies and TV projects to come!
Concert, na-postpone dahil sa sakit…
ICE, NA-PARANOID NANG MABINGI

Nag-delikado palang mabingi ang magaling na singer na si Ice Seguerra recently nang magkaroon ito ng matinding sipon na naging dahilan din para ma-postpone ang repeat sana ng kanyang Videoke Hits concert sa Music Museum.
Ayon kay Ice nang makatsikahan namin a few days ago, na-paranoid siya dahil nabingi ang isang tenga niya at hindi niya tuloy malaman kung nasisintunado na siya kapag kumakanta.
Good thing, naagapan naman ng gamot kaya ngayon ay okay na uli si Ice at nakakapag-guest na nga sa iba't ibang shows para i-promote ang Videoke Hits: The Repeat na gaganapin sa June 28 sa Music Museum.
Isa pang pinaghahandaan ngayon ng Fire & Ice Production company ng mag-asawang Ice Seguerra at Liza Diño-Seguerra ay ang kanilang first-ever stage play titled Choosing (Not A Straight Play) na tatalakay sa mga LGBTQIA issues and love story mula sa direksiyon ng kilalang stage play director na si Direk Anton Juan.
Nagpa-sample nga ang mag-asawang Liza at Ice ng isang eksena nila sa Choosing at pinalakpakan talaga sila ng press people dahil performance level talaga sila, lalo na si former FDCP Chair Liza na napaiyak pa. Ang galiiiing!!!
Mukhang bukod sa concert scene, bebenta rin ang stage play na ito ng mag-asawang Ice at Liza sa dami ng mga members ng LGTBQIA na makaka-relate sa mga isyung matatalakay sa Choosing.
In fairness, kahit 'di ka member ng LGBT community, makukurot ang puso mo kapag narinig mo na kung paano mag-deliver ng lines sina Ice at Liza at kung paano nila iarte ang mga kuwentong iikutan ng Choosing stage play.
Kaya tiyak na ngayon pa lang, mag-iipon na ng pambili ng tiket ang mga gustong manood ng Choosing sa June 29 to July 7, 2024 at the Power Mac Spotlight Blackbox Theater, Circuit, Makati.
What's more interesting in this play is ise-share rin daw nina Liza at Ice ang part ng kanilang love story kaya bahala na ang manonood na hulaan kung aling part ng play 'yung kuwento ng mag-asawa.
Ang Choosing (Not a Straight Play) ay isinulat mismo ni Ms. Liza Diño in celebration na rin sa LGBT Pride Month.





Comments