Fake news tungkol sa ‘no bakuna, no ayuda’, panggulo lang!
ni Ryan Sison - @Boses | August 06, 2021
Fake news ang itinuturong dahilan ng pagdagsa ng maraming residente sa iba’t ibang vaccination sites kahapon, isang araw bago muling isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR).
Ang bali-balita kasi, hindi makatatanggap ng ayuda ang mga hindi magpapabakuna kontra COVID-19, kaya naman nagbabala si MMDA chairman Benhur Abalos sa mga nagpapakalat sa social media ng balitang ito.
Dagdag pa ng opisyal, iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga umano’y nanggugulo lang sa harap ng pagsisikap ng pamahalaan na makatulong sa mga residenteng apektado ng pandemya.
Tulad ng nangyari kahapon, Agosto 5, dumagsa ang maraming residente ng Maynila sa iba’t ibang vaccination sites sa lungsod upang humabol sa pagpapabakuna bago magsimula ang ECQ sa NCR. Kaya alas-3:00 pa lang ng madaling-araw, naabot na ang 2,500 cut off sa mga vaccination sites na dinagsa ng maraming tao, dahilan para itigil na ang pagtanggap ng walk-in vaccinees at base sa pagtaya ng Manila police, aabot ng hanggang 5,000 ang taong pinauwi.
Kung tutuusin, matagal nang problema ang fake news at alam nating wala itong naidudulot na maganda. Lalo pa ngayon na tungkol sa bakuna at ayuda ang ginagamit para makapambiktima.
Nakadidismaya lang dahil tila hindi na natapos ang pagkalat ng fake news, ang masaklap pa, lalo nitong napagugulo ang sitwasyon.
Sa halip na gamitin ang socmed sa pamamagitan ng pagpapakalat ng tama at totoong impormasyon, heto at fake news pa ang ikinakalat sa publiko.
Kaya naman, panawagan sa awtoridad, aksiyunan din ang isyung ito dahil nakagugulo na sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya. Isa pa, turuan ng leksiyon ang mga nagpapakalat nito. At kayong mga nanggugulo lang, tigil-tigilan n’yo na ‘yan dahil may kalalagyan din kayo.
Gayunman, paalala sa taumbayan, ‘wag basta maniwala sa impormasyong nakikita o nababasa sa socmed. Alamin muna kung lehitimo ang balita o kung saang account ito nanggaling.
Ang simpleng pagsuri kung totoo o hindi ang isang impormasyon ay may malaking maitutulong sa marami nating kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments