top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Fake news ngayong Kapaskuhan, bantayan!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 17, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 17, 2021



Habang palapit ang Kapaskuhan, kani-kanyang bigayan na ng mga aguinaldo o pamasko ang mga lokal na pamahalaan at maging pribadong sektor sa ating mga kababayan.


Tulad ng inaasahan, masaya ang mga nakatatanggap ng pamasko, pero paano kung inaasahang regalo ay scam pala?


Kaugnay nito, binigyang-linaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi nag-aalok ang kanilang ahensiya ng P10,000 financial assistance program.


Ito ay dahil sa nakaaalarmang pekeng Facebook page na umano’y nag-aalok ng tulong-pinansiyal sa netizens.


Kaya naman, binigyang-diin ng ahensiya na wala itong mga programa o tulong-pinansiyal sa pamamagitan ng social media platform at kasabay nito ang paghimok sa publiko na ‘wag tumangkilik sa pekeng Facebook page at ipinaalalang sumangguni lamang sa opisyal na Facebook page ng DSWD para sa mga anunsiyo at update tungkol sa iba’t ibang serbisyo at programa ng departamento.


Sa totoo lang, nakaaalarma na may ganitong nangyayari sa social media. Ang masaklap, ginagamit ang pangalan ng ahensiya ng gobyerno para lang makapanloko.


Kaya tulad ng paalala ng DSWD, iwasang tumangkilik sa mga pekeng account dahil baka sa halip na ayuda ang inyong matanggap ay sakit pa ng ulo ang inyong mapala.


Isa pa, posibleng hingan kayo ng mga personal na impormasyon at magamit ito sa masamang layunin, kaya hinay-hinay lang.


Panawagan sa mga kinauukulan, tuntunin at parusahan ang mga nasa likod nito upang hindi na umulit dahil kapag may nabiktima, malaking aberya ito.


‘Ika nga, hindi lamang sa virus dapat mag-ingat dahil kalaban din natin ang fake news.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page