top of page
Search
  • BULGAR

Fake news lang daw ang kumalat... WILLIE, NEVER DUMALAW KAY VHONG SA KULUNGAN

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | October 3, 2022



Trulili kaya ang balitang sina Senators Bong Revilla, Jr., Jinggoy Estrada, JV Estrada, Lito Lapid, Robin Padilla at Grace Poe ang hiningan ng tulong ng kampo ng TV host-actor na si Vhong Navarro nang mapiit ito sa National Bureau of Investigation Detention Center?


Pinabulaanan ito sa tsikahan nina Nanay Cristy Fermin, Romel Chika at Morly Alinio sa Showbiz Now Na YouTube Channel nila.


“Ang sabi, palalayain daw nila si Vhong Navarro!” bungad ng batikang manunulat at online host.


Parehong tanong nina Romel at Morly, “Ganu’n kadali ‘yun?”


“Ako talaga, ang aking personal na pananaw diyan (ay) wala pong pulitiko na magsasabi ng kanilang opinyon na hindi naaayon sa batas. Hindi nila (mga nabanggit na senador) kakalabanin ang hukuman,” diing sabi ni ‘Nay Cristy.


Sabi kaagad ni Romel, “Totoo naman kasi, lalo na sila, alagad pa sila ng ating lipunan. Kalabanin mo ba naman ang batas?”


Dugtong ni Morly, “At ang batas, iginagalang ‘yan anuman ang mangyari, susunod tayo sa batas dahil pinag-aralan ‘yan ng mga mambabatas para sa ating kapakanan.”


“And no one is above the law. Wala pong mas mataas pa kaysa sa batas. Maaaring ‘yung mga nabanggit na pangalan ng mga senador ay nakikisimpatya kay Vhong Navarro, pero hindi nila isasaalang-alang ang kanilang posisyon bilang mga mambabatas para kumampi kay Vhong Navarro dahil hindi rin nila alam tulad natin ang puno’t dulo ng isyung ito,” paliwanag ni Nanay Cristy.


Ang mga nabanggit na pangalan ng mambabatas ng Pilipinas ay lumabas sa iba’t ibang vlogs kung saan sinabing nakalaya na si Vhong.


“Pero ang paraan ng paglaya ay hindi maganda,” sambit ni Romel.


“Totoo at hine-headline na hindi naman totoo!” diin ulit ni ‘Nay Cristy.


Opinyon naman ni Morly, dahil mga artista sina Senators Bong, Robin at Jinggoy ay naisip ng mga vloggers na nag-post sa kanilang YT channel na, “Ay, artista ito, tutulong ito.”


Kinlaro rin ulit ni Nanay Cristy for the nth time na hindi dumalaw si Willie Revillame sa NBI para makisimpatya kay Vhong. Naganap ang pagdalaw ng Wowowin host sa TV host-actor noon pang 2014 kung saan naka-confine ito sa hospital sanhi ng pagkakabugbog sa kanya ng grupo ni Cedric Lee.


Nakita ni Willie na maliit ang kuwarto ni Vhong kaya inabutan niya ito ng tsekeng nagkakahalaga ng isang milyong piso para lumipat sa mas malaking kuwarto para may espasyo ang mga taong dadalaw sa kanya.


“Hindi pa po nagkikita sina Willie at Vhong ngayong 2022. Maaaring nakikisimpatya si Willie sa kinasangkutan ng kasong ito ni Vhong, pero hindi po siya talaga dumalaw, fake news po ‘yun,” pahayag ni ‘Nay Cristy.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page