Fajardo magpapalakas vs. IBF titlist Yabuki sa world fight
- BULGAR

- 5 days ago
- 1 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 18, 2026

Photo: Miel SIlent Assassin Fajardo - Everlast Philippines
Higit na paghahandaan ni International Boxing Federation (IBF) flyweight top rated contender Miel “Silent Assassin” Fajardo sa kanyang ensayo ang posibleng makakatapat para sa nilulutong upakan kontra reigning titlist Masamichi Yabuki ng Japan.
Kilalang knockout specialist ang 34-anyos na Japanese boxer na tatlong beses na matagumpay na nadedepensahan ang IBF 112-pound title belt kontra kina Angel Ayala Lardizabal ng Mexico, Felix Alvarado ng Nicaragua at Mexican Rene Calixto nito lamang Hunyo 6 na nagtapos sa dominanteng 12-round unanimous decision sa Japan.
Tulad ni Yabuki, makokonsidera ring isang knockout artist ang 26-anyos na Agusan del Sur na nakakuha ng dalawa sa tatlong huling laban, kabilang ang first-round technical knockout laban kay Tobias “Pitbull” Reyes para sa title eliminator nitong Abril 11 na ginanap sa Argentina.
Dahil sa panalo ay umangat sa pagiging No. 1 contender ang 5-foot-4 Pinoy boxer para hamunin si Yabuki sa hinaharap, kung saan bago ang laban ay nakatayo sa 4th ranked si Fajardo, habang nasa 3rd ranked naman si Reyes, matapos mabakante ang unang at ikalawang ranggo.
“Napanood namin iyong laban n’ya, kaya para sa akin, tingin ko lang mas mahirap ito kasi champion siya,” pahayag ni Fajardo sa mensahe sa Bulgar Sports. “Malakas halos lahat ng nakalaban niya, [pero] na-knockout niya. Kaya pag-iinsayohan ko na lang ito ng maigi.”





Comments