Dagdag insentibo pa ng Asiad medalists hihilingin

by Gerard Arce @Sports News | October 7, 2026

Photo: Kakatukin ng PSC at POC ang Malacañang para sa dagdag insentibo ng mga medalists sa Asian Games matapos ang hapunan ng mga ito sa Century Park. (Reymundo Nillama)
Pormal pang hihilingin ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Malacañang na mabigyan ng dagdag insentibo ang mga atletang nagka-medalya sa 20th Asian Games Aichi-Nagoya 2026 bilang gantimpala sa karangalang naiuwi sa bansa.
Inihayag ni Philippine Sports Commission Chairman Patrick “Pato” Gregorio na susubukan nilang humingi ng dagdag pabuya kay President Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. sakaling pumayag itong pabisitahin ang mga atleta sa Malacañang.
Ayon sa RA 10699, may matatanggap na P2 milyon ang naka-gintong medalya, habang ang silver medalists ay P1-M at ang bronze medalist ay P400,000, samantalang ang coaches ay may 50% ng mga insentibo ng kanilang mga atleta, at kung higit naman sa isa ang coach, ang insentibo ay hahatiin nang pantay-pantay sa kanila.
“Ang PSC po, katulong ang PAGCOR, ang POC, sa bawat bronze medal po ay P400,000, sa bawat silver medal ay P1-M at sa bawat gold medal po ay P2-M. Pero kami po ni President Bambol (Tolentino)l, kami po ng POC, susulat po tayo sa Office of the President para maglalambing tayo ng additional na gantimpala o incentives para sa inyo,” pahayag ni Gregorio sa ginanap na Team Philippines Heroes' Welcome sa Century Seafood Restaurant sa Maynila.
“Pinaabot na po natin 'yan kay President BBM, na ito po ang performance ng Team Philippines, and we hope to visit him soon. So, pasalamatan na po natin ang PSC, PAGCOR POC and of course the Office of the President.”





Comments