top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Facebook, mag-explain sa pagtanggal sa posts ng gov’t. agencies at officials

BULGAR
Apr 29, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 28, 2022


Kailangan ang paliwanag ng Facebook sa sunud-sunod na nangyayaring pagtatanggal nila ng mga post ng tanggapan ng pamahalaan at ilang opisyal sa kanilang social media platform dahil tila nagkakaroon na ito ng censorship.


Bilang Chair ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, hiningan natin ng paliwanag ang FB kung ano ang kanilang basehan upang pigilan at kuwestiyunin ang lehitimong mensahe at gawain ng pamahalaan, kabilang ang ating National Security Adviser at ang Philippine News Agency.


Maging ang post ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Popoy De Vera ukol sa libreng edukasyon sa bansa ay hindi nakaligtas sa Facebook na basta na lamang naglalabas ng pag-block ng post o suspensiyon.


Noong una ay inakala kong paisa-isa lamang ang mga ganitong kaso na nararansan ng marami sa Facebook ngunit nitong huli ay napakarami na ng natatanggap nating reklamo dahil sa tahasang pagsuspinde ng mga account sa hindi malamang kadahilanan.


Maliwanag na isa itong pagsupil sa malayang pamamahayag at sa bansang umiiral ang demokrasya tulad ng sa atin ay hindi dapat pinapayagan ang ganitong hakbangin na maituturing na isang maliwanag na pang-aabuso.


Kinikilala natin ang mga naging hakbang ng Facebook at Meta laban sa disinformation, bullying, paghahasik ng hidwaan at terorismo sa pamamagitan ng paglalatag ng mga mekanismo at community standards.


Ngunit sa pagkakataong ito ay kinakitaan ng pagmamalabis ang naturang social media platform at naging balakid sa pagganap ng tungkulin ng ilang matataas na opisyal ng ating pamahalaan.


May mga nagsasabi na sa Facebook ay matagal nang umiiral ang partisan politics, pero gusto ko pa ring maniwala na baka naman hindi ngunit marami ang nakakaramdam na tila naiimpluwensyahan ng pulitika ang aksyon ng Facebook at Meta. Gayunman, binibigyan pa rin natin sila ng ‘benefit of the doubt’ na sila ay ‘in good faith’.


Nakakaalarma lang kasing isipin ang sitwasyon na ang mga kaganapan sa ating bansa ay maaaaring kontrolado na ng isang pribadong dayuhang korporasyon tulad ng Facebook at hinding-hindi natin ito mapapayagan kaya nga humihingi tayo ng paliwanag hinggil dito.


Pormal nating pinadalhan ng sulat ang country director ng Facebook Philippines na si John Rubio bago natin ito ipinamahagi sa mga kapatid natin sa pamamahayag upang walang maging dahilan na hindi nakarating sa kanila ang nais nating mangyari.

Bagama’t higanteng kompanya itong Facebook ay hindi tamang sila ang nasusunod sa mga dapat mangyari sa ating bansa lalo na sa pagtupad ng tungkulin ng mga itinalagang opisyal ng ating pamahalaan dahil posibleng magkaroon ito ng implikasyon sa seguridad ng bansa, soberenya at kalayaan.


Ngayong Abril lang, inanunsiyo ng Meta, parent company ng Facebook na tinake-down nila ang daan-daang account at pages sa Pilipinas na nagsasagawa ng mga malisyosong aktibidades sa social media dahil posibleng makaapekto umano sa darating na eleksyon.


Wala namang problema rito. Tama naman na labanan ang pagkalat ng fake news at kasinungalingan. Mabuti ang hakbanging ito kaya lang ay dapat parehas ang trato ng platform na ito. Ang ikinagagalit lang ng iba ay kitang-kita umano ang pagkiling nito at pinagdududahan na ang kanilang kredibilidad na may sinusuportahan silang kandidato.


Sa ngayon ay nananatili akong nasa gitna at wala muna akong pinapakinggan sa dami ng mga reklamong ating natatanggap habang hinihintay pa natin ang paliwanag ng Facebook hinggil sa hindi umano patas nilang pagpapatakbo.


Sabagay wala namang ibang pakiusap laban sa Facebook kundi ang pairalin lang ang pagiging neutral at apolitical para hindi nila maimpluwensiyahan ang mga botante sa darating na eleksyon.


Lumalakas na ang panawagan laban sa Facebook, dahil maging ang National Press Club (NPC) ay kinukondena ang mga malisyosong pagsuspinde sa ilang mga account at tinawag din nilang censorship ang pakikialam sa mga post sa naturang platform.


Alam nating napakalaki ng Facebook, at isa nga itong pribadong kompanya. Ngunit hindi ito dahilan para hayaan ang pang-aabuso – kung mayroon man – sapagkat napakalaki ng impluwensiya nila sa takbo ng bansa at sa buhay ng ating mga kababayan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page