Eya Laure, nilisan na ang UST, hello sa Chery?
- BULGAR
- May 27, 2023
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | May 27, 2023

Pormal ng tinapos ni Queen Tigresses Ejiya “Eya” Laure ang kanyang pananatili sa lungga ng University of Santo Tomas Golden Tigresses kasunod ng mensahe nito sa social media, kaantabay na rin ang anunsyo ng Chery Tiggo Crossovers ng limang bagong manlalaro na sasabak sa 2023 Invitational Conference ng Premier Volleyball League (PVL), kung saan maaaring maging parte ang all-around outside hitter.
Walang mapaglagyan ng pasasalamat at pagmamahal ang inilabas na mga salita ng 24-anyos na season 81 Rookie of the Year sa kanyang Instagram account nitong Huwebes ng gabi, kung saan humingi rin ito ng kapatawaran sa kampeonatong hindi naibigay sa koponan na pinagserbisyuhan ng 12 taon.
“Kaya siguro up until the last minute, I wanted to find a way to play for one more year. Para akong nakikipag-break sa libu-libong tao and my heart is shattering into pieces. Ang sakit at ang hirap magpaalam,” pahayag ng 5-foot-10 spiker. “Patawad dahil hindi ko naibigay yung championship na deserve n'yo. But more than that, salamat. Parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang laki ng pasasalamat na meron ako sa inyo.”
Gayunpaman, nagpahatid pa rin ito ng kasiguruhan na patuloy na susuportahan ng buong-buo ang Golden Tigresses sa lahat ng panahon.
“Lagi n'yo akong pinupuri dahil sabi niyo mahal na mahal ko ang UST. Pero sana malaman niyo na kayo ang nagturo sa akin nun,” saad ni Laure. “Pangako, kahit saan man ako mapadpad, bitbit ko ang pagmamahal niyo. No goodbyes. Just see you again. I will forever be your Kapitana Eya Laure. Kasama niyong sisigaw ng Go USTe hanggang dulo.”








Comments