Express pipigilan ang Generals sa 7th win
- BULGAR
- Aug 6, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 6, 2023

Sino ang pipigil sa pagmartsa ng numero unong Taguig Generals? Hahanapin ng Generals ang kanilang ika-pitong sunod na panalo laban sa naghahamon na Cam Sur Express sa pagpapatuloy ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup sa Angelis Resort sa Poblacion, Muntinlupa City simula 5 p.m.
Nagkataon na ang Express din ang huling tinalo ng Taguig, 101-90, noong Hulyo 28 sa Colegio de Sebastian sa San Fernando. Bumida noon sina Best Player Dan Anthony Natividad, Lerry John Mayo at Francisco Tancioco at inaasahan na uulitin nila ang mahusay na ipinakita.
Lumasap ang Cam Sur ng mapait na 100-96 talo sa kamay ng KBA Luid Kapampangan nitong Biyernes sa CDS. Humataw para sa 37 puntos si Lhancer Khan kasama ang paniguradong free throw na may apat na segundong nalalabi.
Mahigit 10 araw na kasalukuyang lakbay ng Express at gagawin nila ang lahat para sa isa pang panalo bago umuwi. Kailangang gumana ang mga dating Best Player Joshua Irvin Ayo at Verman Magpantay kasama sina Fredson Hermonio, Jayson Orada at kapitan Arnaldo Magalong.
Sa pangalawang laro ng 7 p.m., magsusubukan ang host Muntinlupa at bisitang Tatak GEL Binan na maaaring magdikta kung sino sa kanilang dalawa ang tutuloy sa semifinals mula Grupo B. Kung halos hawak na ng Taguig ang unang upuan, dikit pa rin ang kartada ng Binan (3-3) at Muntinlupa (0-5) at marami pa ang puwedeng mangyari sa huling dalawang linggo ng elimination round.
Gaya ng Express, sariwa pa rin ang pagkabigo ng Muntinlupa noong Biyernes kontra DF Bulacan Stars, 110-103. Walang nakapigil kay Exeqiel Biteng na nagsabog ng 38 puntos na bagong marka para sa pinakaraming puntos ngayong taon upang buhayin ang pag-asa ng Stars sa semis sa kartadang 3-5.





Comments