top of page
Search
  • BULGAR

Exemptions sa paggamit ng mobile phones habang nagmamaneho

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 9, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Alam ko na may batas patungkol sa pagbabawal ng paggamit ng mobile phones habang nagmamaneho ang isang tao, subalit nais ko lamang malaman kung mayroong exemptions sa patakaran na ito? Salamat sa inyong magiging kasagutan.

— Celine


 

Dear Celine,


Ang paggamit ng isang mobile phone habang nagmamaneho ay matagal ng ipinagbabawal sa ating bansa, alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 10913, o mas kilala sa tawag na “An Act Defining and Penalizing Distracted Driving”, na naging batas noong taong 2016.  Ang nasabing batas ay ipinasa upang siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga motorista.  Subalit, ang pagbabawal sa paggamit ng mobile phones ay mayroong mga eksemsyon na nakapaloob din sa nasabing batas, partikular na sa Seksyon 6 nito kung saan nakasaad na: 


“Section 6. Exemptions. - The provisions of this Act shall not apply to the following:

  1. A motorist using a mobile phone for emergency purposes, including, but not limited to, an emergency call to a law enforcement agency, health care provider, fire department, or other emergency services, agency or entity; and


  1. A motorist using a mobile phone while operating an emergency vehicle such as an ambulance, a fire truck, and other vehicles providing emergency assistance, in the course and scope of his or her duties.” 


Samakatuwid, bagama’t ang paggamit ng mga mobile phones o mobile communications devices ay mariin na ipinagbabawal ng batas upang maiwasan ang ano mang aksidente sa kalsada, may ilang sitwasyon na pinapayagan ang driver ng isang sasakyan na gumamit ng kanyang mobile phones o mobile communications devices. Ang mga sitwasyon na ito ay nakalahad sa Seksyon 6 ng R. A. No. 10913, kung saan binanggit na ang paggamit ng mobile phones o mobile communications devices ay papayagan lamang o hindi makokonsidera na akto ng distracted driving kung ang nagmamaneho ng nasabing sasakyan ay kailangang tumawag sa mga pulis, health care provider, bumbero, o iba pang mga ahensya na tumutugon sa mga sitwasyong maituturing na emergency. 


Karagdagan sa mga sitwasyon kung saan maaaring gumamit ng mobile phone o mobile communications devices, kung ang mga motorista na nagmamaneho ay gumagamit ng emergency vehicle, katulad ng ambulance, fire truck, o iba pang mga kaparehong sasakyan, habang ginagampanan nila ang kanilang trabaho. Sa nabanggit na sitwasyon na ito, inaaatas ng batas na ang nagmamaneho ng nasabing mga sasakyan ay maaaring gamitin ang kanyang mobile phone upang gampanan ang kanyang trabaho na pagtugon sa isang emergency at hindi para sa ibang kadahilanan.


Ang mga nabanggit sa itaas ang masasabing pangyayari na papayagan o hindi makokonsidera na paglabag sa batas ang paggamit ng mga mobile phones o mobile communications devices habang nagmamaneho ng sasakyan.


Nais din namin ipaalam sa iyo na kung mapatutunayan na ang isang tao ay gumagamit ng kanyang mobile phone habang nagmamaneho nang hindi nararapat o naaayon sa mga sitwasyon na nakalahad sa batas, siya ay maaaring mapatawan ng parusa base sa nakalahad sa Seksyon 8 ng R.A. No. 10913, kung saan nakasaad ang sumusunod:


“Section 8. Penalties. - Any person who shall violate any provision of this Act shall be penalized with:


(a) A fine of five thousand pesos (P5,000.00) for the first offense;

(b) A fine of ten thousand pesos (P10,000.00) for the second offense;

(c) A fine of fifteen thousand pesos (P15,000.00) and suspension of driver’s license for three (3) months for the third offense; and

(d) A fine of twenty thousand pesos (P20,000.00) and revocation of driver’s license; Provided, That the implementing agency may increase the amount of fine herein imposed once every five (5) years in the amount not exceeding ten percent (10%) of the existing rates sought to be increased which shall take effect only upon publication in at least two (2) newspapers of general circulation: Provided, further, That a driver of a public utility vehicle, a school bus, a school service vehicle, a common carrier hauling volatile, flammable or toxic material, or a driver who commits an act classified herein as distracted driving within a fifty (50)-meter radius from the school premises shall be subject to a penalty of thirty thousand pesos (P30,000.00) and suspension of one’s driver’s license for three (3) months.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page