top of page
Search
  • BULGAR

Excited nang maglaro ang Lady Aces, magpapasiklab sa WNBL

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 4, 2021





Determinado ang Parañaque Lady Aces na gumawa ng ingay sa pagbubukas ng 2021 Women’s National Basketball League (WNBL), ang una at nag-iisang ligang propesyonal ng kababaihan, sa susunod na buwan. Pormal na ipinakilala ang koponan noong Martes at ngayon pa lang ay napipisil na sila na isa sa mga paborito na mauwi ang tropeo.


Pangungunahan ang Lady Aces ng mga Far Eastern University Lady Tamaraws na sina Allana Lim, April Siat at 6’4” higante Clare Castro. Gagabayan ang koponan ni Coach Jayen Cruz na dala ang kanyang dalawang dekadang karanasan ng pagwawagi ng kampeonato sa elementarya, high school at kolehiyo.


“Ilan sa mga Lady Aces ay naging manlalaro ko noon o nakalaro namin kaya kilala ko ang laro nila,” paliwanag ni Coach Cruz. “Tiningnan din namin ang mga resulta ng WNBL Rookie Combine noong Disyembre at mabuti nakumpleto na kami sa lahat mula gwardiya hanggang sentro.”


Maliban kay Lim at Castro, ang iba pang direktang kinuha ng koponan ay sina Jamie Alcoy ng Adamson University, Marydyn Tingcang ng UST, Carmina Reyes at Kris Tolentino. Mula sa WNBL Draft noong Pebrero 13 ay nakuha nila sina Angelie Gloriani ng DLSU, Mary Joy Galicia at Jhenn Angeles ng UST, Vanessa Santos at Tanya de la Merced ng College of Saint Benilde, Jenina Solis at Sthefanie Ventura ng CEU at Jaira Baarde ng San Beda College-Alabang.


“Tinayo namin ang koponan para hindi mapahiya, gusto namin maghatid ng karangalan sa Parañaque at maging modelo para sa kabataan,” wika ni team owner Marvin Santos na itinalaga si Joel Mendoza bilang team manager. Nais sundan ng Lady Aces ang yapak ng Parañaque Aces na umukit ng kasaysayan bilang kampeon ng pinakaunang torneo ng NBL noong 2018.


May parating na paunang 200,000 na bakuna para sa COVID-19 ang siyudad at isasama ng alkalde ang mga manlalaro sa listahan ng mga unang mababakunahan. Susuriin ng Games and Amusements Board (GAB) ang mga lugar na balak gamitin ng Lady Aces para sa kanilang ensayo na maaaring magsimula na ito sa susunod na linggo. Tinatayang magbubukas ang WNBL pagkatapos ng Semana Santa.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page