ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 20, 2024
Marami ang nagulat sa larawan na magkasama sina Kathryn Bernardo at Dominic Roque na naka-post sa social media. Kuha raw ito nang dumaan sa gym si Dominic at bumati kay Kathryn.
Dati namang magkaibigan ang dalawa kaya hindi na ginagawan ng isyu kung nakikita silang magkasama sa anumang event.
Samantala, ang mga fans at supporters naman ng tambalang KathDen (Kathryn at Alden Richards) ay nagpoprotesta at nag-aalala sa biglang pagsulpot ni Dominic Roque sa eksena. Baka raw maagaw pa ng aktor si Kathryn kay Alden.
Pero, may mga nagsasabing hindi kakataluhin ni Dominic si Alden dahil alam niyang seryoso ito sa panliligaw sa aktres. Besides, kagagaling lang ni Dominic Roque sa breakup kay Bea Alonzo, na hindi siya agad-agad papasok sa bagong relasyon. Magpapahinga muna ang kanyang puso at sa negosyo magko-concentrate.
Nag-share si Heart Evangelista ng isang snapshot sa kanyang Instagram (IG) na kuha sa pelikulang Infamous 6 na ang director ay si Anthony Hickox. Makakasama ni Heart sa movie na ito ang ilang international stars tulad nina Armand Assante, Alana Boden, Jemma Dallender atbp..
Ang Infamous 6 ay isang action-thriller movie na ipinasilip ang sneak peak sa nakaraang ToyCon nu’ng June 14 hanggang June 16 na ginanap sa SMX Convention Center.
Ang huling serye ni Heart Evangelista sa GMA Network ay ang I Left My Heart In Sorsogon nu’ng 2021 kung saan nakapareha niya si Paolo Contis.
Naging bahagi rin si Heart ng American reality TV series na Bling Empire Season 3.
Bagama’t gustung-gusto ni Heart na bumalik sa pag-arte at tumanggap ng bagong serye
sa GMA-7, sobrang hectic naman ng kanyang schedule lalo na’t presidente na siya ng Senate Spouses Foundation, Inc..
Pero kahit papaano, naisisingit pa rin ni Heart ang pagrampa, tulad sa Paris Fashion Week suot ang kanyang banig-inspired outfit.
Kung tutuusin, napakasuwerte rin ni Sen. Chiz sa kanyang misis dahil tunay namang maipagmamalaki niya si Heart bilang kanyang First Lady.
Maraming viewers ang natuwa sa pagpasok ng character ni Nora Aunor sa afternoon soap na Lilet Matias: Attorney-at-Law dahil mas titindi raw ang mga eksenang mapapanood.
Pangalawang beses nang nagsama sa serye sina Nora at Jo Berry. Una silang nagkatrabaho noon sa seryeng Onanay at naging close sa isa’t isa. Kaya naman, susuportahan ni Nora si Jo Berry sa pinagbibidahang serye.
Supportive ang Superstar sa mga kasamahang artista na kinakikitaan niya ng passion sa pag-arte at nagsisikap gampanan ang kanilang role. Kadalasan sa mga underdogs kumakampi at nalalapit ang loob ng nag-iisang Superstar at National Artist na si Nora Aunor. Alam kasi niya kung ano ang pinagdaraanan ng mga baguhang artista kaya sila ang gusto niyang tulungan, tulad ni Jo Berry.
Maraming humanga at impressed sa akting ni Sanya Lopez sa pelikulang Playtime.
Ang laki raw ng iginaling sa pag-arte ni Sanya at puwede na sa mas mabibigat na roles.
Sabi nga ng ilang nakapanood sa nasabing pelikula, pang-Best Actress ang performance ni Sanya.
Pinatunayan ni Sanya na hindi lang siya pang-dramatic role, kahit action-horror ay kaya niya na ring gampanan, kaya patuloy siyang pinagkakatiwalaan ng GMA
Network at nabibigyan ng magagandang TV projects.
Determinado si Sanya Lopez na iangat ang kanyang level bilang aktres at pagdating sa kanyang career, napaka-professional nito.
Comments