Ex na aktres, naiyak na single pa rin… GIAN, NAGPAALAM MUNA KAY SHEREE BAGO NAG-PROPOSE KAY LARA MAIGUE

ni Beth Gelena @Bulgary | October 10, 2026

Photo: Gian Magdangal at Sheree - IG
Hindi man siya ang ikinasal, naging emosyonal si Sheree Bautista nang masaksihan ang pagpapakasal ng dating karelasyong si Gian Magdangal kay Lara Maigue.
Hindi dahil hindi siya masaya para sa dalawa, kundi dahil sa gitna ng masasayang sandali ng bagong kasal, hindi rin naiwasan ni Sheree na isipin kung kailan naman niya mahahanap ang lalaking makakasama niya habambuhay.
Sa paglabas niya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) kamakailan, inamin ng dating miyembro ng Viva Hot Babes ang dahilan kung bakit siya naging emosyonal.
“Tito Boy, kasi paano ako? Kailan ko mahahanap ‘yung forever ko?” sey ni Sheree.
Hindi naman naging hadlang ang nakaraan ng dating celebrity couple para mapanatili ang respeto at magandang samahan.
Bago pa man nag-propose si Gian kay Lara, humingi muna ang una ng basbas sa dating karelasyon. Pabor naman si Sheree sa plano ni Gian dahil naniniwala siyang si Lara ang nararapat na makasama nito.
“I’m very happy na very respectful sila, both of them, and I love Lara so much kasi that’s why we get along really well, because also, Lara is a very good person. Kumbaga, before they got married, Gian asked me, ‘Okay na bang mag-propose ako?’ Sabi ko, ‘Go, gusto ko talaga mag-propose ka na kay Lara kasi I think Lara is the best girl for you,’” kuwento niya.
Tumatak naman kay Sheree ang pangakong hindi siya pababayaan nina Gian at Lara, kahit hindi pa niya matagpuan ang lalaking makakasama niya habambuhay.
“Sabi nila sa ‘kin, ‘Hayaan mo na, ‘pag ‘di ka nakapag-asawa at ‘di mo nahanap ‘yung forever mo, mag-neighbors na lang tayo tapos aalagaan ka na lang namin ni G,’” pagbabahagi niya.
Patunay lang ito na puwede pa ring magpatuloy ang pagkakaibigan at malasakit kahit natapos na ang masaya nilang relasyon.
Higit sa lahat, nagpapasalamat si Sheree na nakikita ng kanilang anak ang maayos at mapayapang samahan nila ni Gian.
“I’m happy na nakikita ng anak namin kung paano kami as a family, it’s all peaceful. Kasi kailangan lang talaga, forgiveness. I forgive Gian fully, and kung ano man ‘yung nangyari sa ‘min, I totally forgot about it, and I embraced our family,” aniya.
MGA SIKRETO NI VICE, IBINUKING NINA BRENT, RALPH, RIVER AT EMILIO
IBINUKING ng mga guwapong co-hosts na sina Brent Manalo, Ralph de Leon, River Joseph at Emilio Daez ang sikreto ng It’s Showtime (IS) host na si Vice Ganda.
May kani-kanyang nadiskubre ang apat na co-hosts ni Meme Vice hinggil sa kanyang personalidad.
Sa kanilang guesting sa Gandang Gabi Vice (GGV), ibinahagi ng apat na Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition (PBBCCE) boys ang masasayang karanasan nila kasama ang komedyante at ang mga bagay na natuklasan nila tungkol dito.
Ayon kay Brent, malaki ang font na ginagamit ni Vice sa cellphone dahil malabo ang paningin nito.
Pero higit sa nakakatuwang rebelasyon, humanga naman si Ralph sa dedikasyon ng komedyante sa kanyang trabaho.
“Nobody loves their work as much as Vice Ganda,” saad niya.
Dagdag pa ni Ralph, “In everything na pasukin n’ya, kailangan talaga ay top-notch.”
Sang-ayon dito si Emilio, na nakatrabaho si Vice sa IS, habang napansin naman ni River kung gaano kaabala ang komedyante.
“Parang ‘di s’ya natutulog, parang ‘di s’ya nagpapahinga,” ani River.
Samantala, hindi malilimutan ni Brent ang mga seryosong kuwentuhan nila ni Vice tungkol sa buhay.
Para naman kay Ralph, madaling pakisamahan ang komedyante at ramdam nilang pinakikinggan sila nito.
Naalala naman ni River ang kanilang Call Me Mother (CMM) mall show promotions, na naging bonding moment nila lalo na kapag niyayaya sila ni Vice na kumain pagkatapos.
Pangarap naman ni Emilio na makasama ang komedyante sa isang pelikula.
Samantala, kung bibigyan ng pagkakataong magtanong kay Vice, gustong malaman ni Brent kung nagkaroon na ba ito ng karelasyon sa showbiz. Si Ralph naman ay interesado sa pinaghuhugutan nito ng enerhiya, habang nais malaman ni River ang ginagawa ng komedyante kapag nag-iisa sa bahay.
Ang sikreto naman sa nakatutuwang punchline ni Vice ang gustong usisain ni Emilio.
Mapapanood ang buong episode ng GGV kasama ang apat na boys sa iWant nang libre para sa mga users na nasa Pilipinas.





Comments