Ex-champ Rigondeaux, knockout sa mata habang nagluluto
ni MC - @Sports | March 9, 2022

Maaaring dumilim na ang karera ng dating kampeon at amateur boxing legend matapos maaksidente sa kanyang pagluluto, ayon kay Mike Coppinger ng ESPN.
Naiulat na si Guillermo Rigondeaux ay 80% na nawalan ng paningin nang masabugan siya ng pressure cooker habang nagluluto ng Cuban black beans sa kanyang tahanan sa Miami noong Huwebes. Ayon kay Alex Boronte, manager ni Rigo, nasabugan ng kumukulong tubig sa kanyang mga mata ang boxer at lubhang napinsala ang kanyang cornea.
Nalapnos din ang dibdib ng 41-anyos na si Rigo. Binigyan ng anesthesia at binendahan ang kanyang mga mata bago nailabas ng Kendall Regional Medical Center noong Biyernes ng tanghali.
Madali ring nakarekober ang boxer at nakakita na ng liwanag at anino, pero aalamin pa sa loob ng 10 araw ang tuluyang paggaling nito, maging ang obserbasyon sa kanyang cornea ng hanggang 72 oras. Si Rigondeaux ay isang alamat ng amateur sa Cuba, naka-2 gold medal sa Olympics, 2 sa world champinships, 3 sa world cups at pitong Cuban championships bilang bantamweight na may overall record na 374 fights at 12 pagkatalo.
Naging pro-boxer noong 2009, nasungkit ang WBA, WBO at lineal super bantamweight titles sa ilang taon lamang, hindi natatalo hanggang gapiin noong 2017 ni Vasiliy Lomachenko.
Nitong nakaraan ay tinalo rin siya ng Pinoy na si Vincent “Asero” Astrolabio at agawin ang bakanteng WBC International bantamweight title sa 10-round main event sa Dubai Marina sa Dubai, UAE.





Comments