Ex-BF mo, Kylie, napaso na raw… JAKE, AYAW SABIHIN NA SI CHIE NA ANG HULING BABAE SA BUHAY NIYA
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | May 4, 2023

Ngayong araw, May 4, aaminin na ni Jake Cuenca kung ano ang real score sa pagitan nila ng aktres na si Chie Filomeno.
Napili ni Jake ang araw na ito dahil ito rin ang araw ng Star Magic Ball na sila ang magka-date.
Tawa nang tawa ang aktor nang ma-corner siya ng ilang miyembro ng media para alamin kung ano’ng meron sa kanila ni Chie pagkatapos ng presscon ng sitcom nito na Jack and Jill sa Diamond Hills nitong Martes na ginanap sa Studio 4 ng TV5.

"Magkaibigan naman kasi kami. Hindi ko alam, ano ba ang dapat kong sabihin? Kasi may ball, ‘di ba, sa May 4? So, mas madali kung sa May 4 tayo magpaliwanag. Hahaha!" tumatawang sabi ng aktor.
Dagdag pa nito, "Mas madali kasi kung parang, let action speaks louder than words, 'ika nga. Kaya baka mas maganda kung sa May 4 na lang?"
Halos dalawang taon nang single si Jake pagkatapos ng tatlong taong relasyon nila ni Miss International 2016 Kylie Verzosa.
Ang tanong, handa na ba uling pumasok sa isang relasyon si Jake?
"Ready na akong lumabas ulit kasi for a good year, nag-solo muna ako, I've recollected myself first, I decided to prioritize myself, then I prioritized everything first. But for now, parang sobrang busy pa rin talaga. But I can allow myself to go out again," sey ng aktor.
Sobrang busy nga ni Jake dahil naka-locked-in taping siya para sa seryeng Iron Heart na sa Cebu kinukunan ang mga eksena at lumuluwas naman siya ng Maynila para mag-taping ng sitcom na Jack and Jill sa Diamond Hills. Hindi lang 'yun, dahil may stage play pa siyang Dick Talk na may repeat pa.
Anyway, kahit na ina-allow na ni Jake ang sarili na makipag date muli ay hindi pa rin siya nagsasalitang ito na ang huling babae sa buhay niya dahil nga sa tuwing may karelasyon ang aktor ay palagi nitong sinasabi na sana, ‘yun na ang babaeng para sa kanya, pero nauuwi pa rin sa hiwalayan.
Kaya ngayon ay hindi na raw magsasalita pa si Jake kung 'yung babae ba na idine-date niya ngayon ay siya na ang itinakda para sa kanya.
"Ang hirap kasing magsalita nang patapos, parang gusto ko lang mag-enjoy. I don't want to put so much pressure and weight into that. I just wanted to naturally fall into place. Parang this past year, I call it reintroduction. This year, ang dami ko pang gustong gawin.
“Gusto kong lagyan ng exclamation point lahat ng project na ito, 'yung play ko, Iron Heart, Cattleya Killer airing on May 14, Jack and Jill on May 14 as well, and then I might do another play pa. So, nandoon ako kung saan naka-center ang buhay ko ngayon at ito nga ay sa career ko," paliwanag ng aktor.
Sa tanong kung ano’ng meron kay Chie Filomeno, "Certainly, maganda siyang babae."
Tinanong namin kung si Chie ang nagpapasaya sa aktor ngayon.
"Hard naman ‘yung nagpapasaya, parang ang bigat agad. Let's take this one step at a time, 'wag masyadong mabigat. Mabigat na 'yung pinagdaanan ko, eh. Gusto ko, medyo light muna. Just taking my time, as slow as can be. Hindi kailangang magmadali," nakangiting paliwanag ng aktor.
Ilang buwan na ba silang nagkakasama?
"Not really counting, pero so far, so good. Hindi naman sa itinatago ko ang personal life ko, ayoko lang gawin ito bilang centerpiece ng buhay ko kasi may pinanggalingan na ako, napaso na ako. Hope you guys can understand.
"Sabi nga nila, if you want to make a difference, then make it differently this time. Slowly but surely, 'wag magmadali," pakiusap pa ni Jake.
Samantala, mapapanood na ang bagong sitcom na Jack and Jill sa Diamond Hills ngayong May 14. Handog ito ng APT Entertainment at TV5 mula sa direksiyon ni John 'Sweet' Lapus.
Iikot ang kuwento sa nakakaintrigang adventure ng dalawang undercover agents na sina Jack (played by Jake) at Jill (na gagampanan ni Sue Ramirez) para hulihin si Alyas Sexbomb, ang taong nagpapakalat ng Happy P, isang delikadong droga, sa buong Diamond Hills Subdivision.
Makakasama nina Jake at Sue sina Ara Mina, Gardo Verzosa, DJ Onse, Nana Silayro, Nico Antonio, DJ Jhai Ho, Hershey Neri, Willie Miller at marami pang iba.





Comments