Ex-BF, kahit may Kyline na raw… ALEXA, LABS PA RIN SI SANDRO
- BULGAR

- Oct 6
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | October 6, 2025

Photo: FB Alexa Miro & Sandro Marcos
Tila na-‘wow mali’ si Alexa Miro sa pagturo kay Franki Russell na siyang third party sa hiwalayan nila ng ex-boyfriend na si Cong. Sandro Marcos dahil lumalabas ang pangalan ni Kyline Alcantara na siyang bagong ‘apple of the eye’ raw ng Presidential Son.
Kung ang Sing Galing Sing-lebrity Edition (SGSE) contestant ay bukas sa pag-amin na hindi siya nagsasarado ng pinto sa posibilidad ng pakikipagbalikan kay Cong. Sandro at aminado rin ito na hindi nagbago o nawala ang pagmamahal niya sa dating kasintahan, tila mabilis namang naka-move on at nakahanap ng ipapalit sa kanya ang ex-boyfriend.
Ramdam namin ang bigat ng loob at nasaktan talaga si Alexa sa interview namin sa kanya sa nakaraang presscon ng SGSE mediacon. Mababasa sa kilos at sa mga mata ng aktres na iniinda niya talaga ang breakup nila ng binatang Marcos.
Sa Instagram (IG) post nga ni Alexa na patungkol sa moving forward, sinabi ng aktres na bawat isa sa atin ay pipili ng tatahaking direksiyon, na magkaibang hakbang at pagpili, pero nasa sa atin kung ano ang pipiliin natin, kung ano ang paninindigan, at kung ano ang hahabulin.
Nasa sa atin din kung magiging matapang tayo, kung ipaparating natin ang ating boses o mananatili lang tahimik.
Ayon pa kay Alexa, ang lahat ay nasa sa atin, pero mag-ingat at magkaroon lagi ng puso.
Hindi man diretsahang pinatutungkulan kung ito ba ay may kinalaman sa pinagdaanan nila ni Cong. Sandro, pero tila ito ay paalala ni Alexa para rin sa sarili kung paano tumayo, manindigan at lumaban sa sarili niyang paraan.
Naniniwala kami na sa ngayon ay sasailalim sa masakit, masalimuot at mabigat na proseso si Alexa para maka-move on sa kinauwian ng 5 taon nilang relasyon ng Presidential Son.
May ilan kaming nakausap na talagang sobra raw na minahal ng aktres ang ex-boyfriend, pero naniniwala rin kami na walang sugat na hindi pinaghihilom ng panahon.
Magagamot din ang sakit, at kung hindi talaga sila ni Cong. Sandro ang para sa isa’t isa ay may tamang tao na nakalaan talaga para sa kanya sa tamang panahon.
NAKAUSAP namin si Elijah Canlas sa naganap na 38th Awit Awards Nominees’ Vibe Night kung saan isa siya sa mga nag-host sa naturang event. Natanong namin ang mahusay na aktor na isa sa mga artistang tumayo sa entablado at nagsalita sa People’s Monument noong naganap ang ‘Trillion Peso March’ noong Setyembre 21 laban sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno.
Para kay Elijah, hindi lang siya isang aktor o singer kundi mamamayan din ng bansang ito na humihiling ng hustisya at pagbabago.
Ayon sa aktor, marami siyang kakilala at malapit sa kanya na lubhang apektado sa nangyayaring anomalya, at ang pinakamagagawa na lang niya ay maghangad ng bagong bukas, gamitin ang kanyang platform, at maging boses ng iba.
Hiling din ni Elijah na huwag sanang mabalewala ang ipinaglalaban ng lahat, na huwag tayong patuloy na lokohin at paglaruan ng mga nakaupo.
Well, kinumusta rin namin ang relasyon nila ni Miles Ocampo. Masayang ikinuwento ni Elijah na maayos ang relasyon nila ng girlfriend, at sa kabila ng pagiging abala nila sa kani-kanyang trabaho ay nakakahanap sila ng oras para sa isa’t isa. Malaking bagay na pareho silang nasa showbiz dahil naiintindihan nila ang bawat isa at buo ang suporta nila sa isa’t isa.
Masaya rin si Elijah na isa siya sa mga Vibe jocks. Kauna-unahang pagkakataon pala ito na naging isang jockey siya, at ine-enjoy ng aktor ang bagong karanasan.
Bukod sa nagustuhan niya na isinusulong dito ang mga original OPM songs, naging malapit na rin sa kanya ang mga kapwa-Vibe jocks.
Excited din siya sa collaboration ng Vibe at ng Awit Awards. Sa nakaraang 38th Awit Awards Nominees Vibe Night ay masigla niyang ini-host ang naturang event kung saan ipinakilala ang mga nominado sa nasabing music award na gaganapin sa darating na Nobyembre 16 sa Meralco Theater.








Comments