top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Evacuees, nagkakasakit na; problema pa more!

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 21, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 21, 2020


Nasalanta na ng bagyo, tinamaan pa ng iba’t ibang sakit.


Ito ang doble-hirap na dinaranas ng ilang residente ng Marikina City, na isa sa mga lungsod na labis na nasalanta ng bagyong Ulysses.


Ayon sa lokal na pamahalaan, isang 68-anyos na lalaking evacuee ang naitalang positibo sa COVID-19 sa isang evacuation center sa lungsod, bukod pa sa ibang sakit na nararanasan ng ibang nasalanta ng bagyo.


Agad nailipat sa quarantine facility ang evacuee at nagsagawa ng rapid antibody testing ang lokal na pamahalaan para makita kung ay iba pang posibleng tinamaan ng sakit. Gayundin, nag-deploy na ng 190 contact tracers sa iba-ibang evacuation center.


Habang tuloy ang paglilinis ng mga residente sa kanilang binahang bahay at kalsada sa kabila ng masangsang na amoy, may naiulat ding kaso ng cholera sa lungsod.


Ang isang residente naman, nakararanas na ng pagtatae dahil sa maruming tubig at kapaligiran.


Bilang tugon, naghahanap na ng gamot at bitamina para sa mga residente ang lokal na pamahalaan.


Ito ang kinatatakutan natin — ang magkaroon ng sakit ang mga nasalanta ng baha dahil sa epekto ng kalamidad at pandemya.


Bagama’t malaking hamon ito para sa mga lokal na pamahalaan at evacuees, gawin natin ang ating makakaya upang makasunod pa rin sa health protocols sa mga evacuation center, gayung pahirapan din ang pamamahagi ng gamot at relief packs dahil hindi pa malinis ang mga debris na naiwan ng bagyo.


Sa kabilang banda, malaking tulong din ang plano ng Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa at magpamigay ng 30 million washable face mask para sa mga nasalanta ng bagyo bilang proteksiyon sa COVID-19.


Totoong napakarami pang pagsubok pagkatapos ng kalamidad dahil kailangang bumalik sa binahang bahay para maglinis, magkumpuni ng mga nasirang gamit at muling bumangon.


Pero ngayon, prayoridad natin ang kaligtasan at kalusugan. Kaya panawagan sa lahat, sumunod tayo sa mga kinauukulan at unahin ang kapakanan ng sarili at pamilya.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page