European players, sasagupain ang Phl Booters sa España
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 22, 2022

Tatlong bigating koponan ng Europa ang haharapin ng Philippine Women’s Football National Team sa kanilang paglahok sa ikatlong edisyon ng Pinatar Cup sa Murcia, España mula Pebrero 15 hanggang 21, 2023. Naghihintay ang Iceland, Scotland at Wales na masubukan ang kahandaan ng Filipinas para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa New Zealand sa susunod na Hulyo.
Maglalaro ang apat na bansa ng single round o tig-tatlong beses at ang may pinakamataas na kartada ang tatanghaling kampeon. Ang mga makakalaro ng Pilipinas ay ilan sa mga matataas sa FIFA Ranking na hindi mapapabilang sa 32 bansa sa World Cup.
Kasalukuyang ika-16 ang Iceland, ika-25 ang Scotland at ika-32 ang Wales kumpara sa ika-53 Filipinas. Nabigo silang lahat sa hiwalay na laro para sa huling mga tiket sa World Cup para sa Europa noong Oktubre.
Mapapansin na hindi nalalayo ang mga kalahok sa mga magiging ka-grupo ng Filipinas sa World Cup na Norway (13), Switzerland (21) at host New Zealand (24). Nagkataon din na tinalo ng Switzerland ang Wales sa extra time, 2-1, upang makapasok sa World Cup.
Ang Scotland ang kampeon sa unang edisyon ng torneo noong 2020 subalit hindi ito ginanap noong 2021 dahil sa pandemya. Bumalik ang Pinatar Cup nitong taon pero kung saan nag-kampeon ang Belgium na hindi babalik upang itanggol ang titulo.
Ito ang unang pormal na torneo ng Filipinas matapos mag-reyna sa 2022 AFF Women’s Championship noong Hulyo. Bago ang AFF, naglaro sila ng FIFA Friendly sa Europa kontra Ireland at Bosnia at Herzogovina noong Hunyo.
Ang Pinatar Cup ay bahagi ng malawakang plano ni Coach Alen Stajcic na makalaro ang Filipinas ng iba’t ibang estilo ng Football na maaari nilang maranasan sa World Cup.
May dalawa pang FIFA Window sa Abril at Hulyo bago magbukas ang World Cup.





Comments