Euroclydon matikas sa Condition Race (18)
- BULGAR
- Jul 24, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 24, 2023
Nasaksihan ng mga karerista ang tikas ng dehadong Euroclydon matapos angkinin ang panalo sa Condition Race (18) noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas.
Mabilis na umarangkada agad si Euroclydon paglabas ng aparato para hawakan ang unahan pero nasundan agad siya ng matulin na si Weather Lang habang nasa tersero si Medaglia D'Amor.
Subalit hindi sina Weather Lang at Medaglia D'Amor ang naging mahigpit na kalaban ni Euroclydon, ang Flattering You ang nagpahirap sa winning horse.
Humarurot mula sa pang-apat na puwesto si Flattering You at inagaw nito ang unahan kay Euroclydon bandang far turn.
Hindi basta bumigay si former Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema, pinagpapalo nito ng latigo si Euroclydon upang magalit at tumakbo pa ng mabilis.
Nadaan sa tiyaga ni Dilema sa pagpapagalaw sa kabayo, pagdating sa huling 100 metro sa rektahan ay biglang umungos ulit si Euroclydon na dumaan sa tabing balya para kumuha ng unahan at tawirin ang meta ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang Flattering You.
Inilista ni Euroclydon ang 1:24 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si AM De Ubago ang P10,000 added prize.
Tumersero si Hamlet habang pumang-apat si Weather Lang sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Samantala, inihahanda si Euroclydon sa susunod nitong sasalihang karera at posibleng isabak sa stake race para puntiryahin ang malaking premyo.





Comments