Estudyante, nag-test drive ng motor, sumalpok sa SUV, patay

by Jeff Tumbado @News | November 20, 2026

Photo: Mangaldan Police Station
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 25-anyos na graduating college student matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang sport utility vehicle (SUV) sa Mangaldan, Pangasinan.
Batay sa imbestigasyon, pauwi na sa Dagupan City ang biktima na si alyas Cj nang mangyari ang insidente.
Ayon sa paunang ulat, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo nang salpukin nito ang SUV na kasalukuyang lumiliko sa U-turn slot.
Sa lakas ng impact, tumama ang ulo ng rider at nagtamo ng malubhang pinsala na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Nabatid naman sa magulang na hindi umano nila alam na sinusubukan ng kanilang anak ang motorsiklo matapos itong kabitan ng bagong piyesa.
Nalaman nilang ilang ulit itong nag-test drive upang masubukan at mai-adjust ang mga ikinabit na piyesa sa motor.
Sinasabing dalawang beses na umanong sinubukan ng biktima ang motorsiklo bago ito muling umalis sa ikatlong pagkakataon, na nauwi sa trahedya.
Sa ngayon, hindi pa umano nagkakaroon ng pag-uusap ang pamilya ng nasawing rider at ang driver ng SUV.
Wala pang inilalabas na pahayag ang driver ng SUV hinggil sa insidente.





Comments