"Anak" song, isinalubong kina PBBM at FL Liza sa China

ni Mylene Alfonso @News | November 20, 2026

Photo: PBBM at Liza Maros sa APEC 2026 sa China - PCO
Naging sentro ng usapan sa social media ang tila makahulugang pagpili sa awiting “Anak” ni Freddie Aguilar na ipinatugtog sa pagdating nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa welcome banquet ng 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China.
Nabatid na instrumental version ng OPM classic ang nagsilbing background music habang papasok sa venue ang mag-asawang Marcos nitong Miyerkules ng gabi.
Bagama't bahagi ito ng musical welcome para sa mga dumalong foreign dignitaries, hindi nakaligtas sa pansin ng mga netizen ang naturang awitin dahil sa mensaheng taglay nito.
Ayon sa South China Morning Post, bawat lider na dumalo sa APEC Summit ay sinalubong ng musikang kumakatawan sa kanilang bansang pinagmulan.
Gayunman, naging iba ang interpretasyon ng ilang netizen sa pagtugtog ng “Anak,” na iniugnay ng mga kritiko ng administrasyon sa mga kontrobersiya at alegasyong ibinabato laban sa Pangulo, kabilang ang umano'y paggamit nito ng ilegal na droga.
Wala namang indikasyong may partikular na mensahe o patama sa Pangulo ang pagpili sa naturang kanta.
Ang “Anak,” na sumikat noong 1978, ay isa sa pinakatanyag na awiting Pilipino sa buong mundo. Isinalin na rin ito sa iba't ibang wika, kabilang ang Mandarin at Cantonese.
Umiikot ang kuwento ng kanta sa isang anak na naligaw ng landas, nalulong sa bisyo at kalauna'y nagsisi sa kanyang mga pagkakamali.





Comments