ERUPTION, AMINADONG MAS YUMAMAN NANG MAWALA SA IT'S SHOWTIME
- BULGAR
- Mar 4, 2023
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 4, 2023

Mainit pa rin ang usaping utang na loob dahil sa ilang personalidad na hindi marunong lumingon sa mga taong nakatulong o naging bahagi ng kanilang pag-asenso.
Isa si Eric Tai, o mas kilala ngayong Eruption dahil sa noontime show na It’s Showtime, kung saan kinuha siyang regular ni Direk Bobet Vidanes noong nasa ABS-CBN pa siya, ang may kakaibang kuwento tungkol sa utang na loob.
Tumagal nang apat na taon si Eric Tai bilang isa sa mga hosts ng It’s Showtime at labis niya itong ipinagpapasalamat matapos siyang tanggalin.
Base sa napanood naming panayam sa kanya ng news anchor and content creator na si Julius Babao na naka-post sa Facebook page nito last Feb. 28 na may 4,800 shares, 118,000 likes/hearts and 1,300 comments, inalis si Eric sa It’s Showtime dahil nag-reformat.
Panimula ni Eric, “Papasok na ako ng Showtime. Tapos, kinuha ako noon ng producer. Sabi niya, ‘Puwede tayong mag-meeting muna?’ Umakyat kami sa taas.”
Kinabahan na raw siya, “And then I have a feeling that something is going on. And then sabi niya (producer), ‘Pasensiya na, Eric, nagkaroon kami ng reformat. 'Di na kailangan ang services mo dito.'”
Imbes daw na sumama ang loob niya ay labis-labis siyang nagpasalamat, “Kasi kilala na ako dahil sa inyo. And I will always hold that to my heart na Showtime, maraming salamat.
Direk Bobet (Vidanes) din, maraming salamat. Vice (Ganda), everyone there, thank you.
Because I’m known as Eruption. I have a name now dahil sa inyo. I was able to get endorsements, my social media following jumped.”
Tanda ni Eric, habang nasa loob na siya ng elevator palabas ng ELJ Building ay nanalangin siya at kung anuman ang gustong ipagawa sa kanya ay gagawin niya.
“'Father, help me find myself,' that’s what I asked for,” sabi ni Eric Tai na isang miyembro ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.
Dagdag pa niya, “I knew it for some reasons when I drove home pa lang, I have this sense of everything’s gonna be okay. Then, I stopped the car, medyo malayo sa bahay kasi alam ko, asawa ko, nandito. I was thinking what I’m gonna tell my wife. ‘Coz I know she might break down, so, I said another prayer to calm me down para malaman ko kung ano'ng sasabihin ko, gagawin ko.”
At na-sense din nitong alam niyang magiging okay siya at maraming darating na opportunities sa kanya at totoo nga.
“I got jobs left, right, and center. Bumalik ako sa teleserye, nag-Amazing Race kami. I know that I wouldn’t be able to do these things kung nasa Showtime pa ako. So, it was that time God told me, ‘You need to fly on your own, bro.’ Parang, ‘Spread your wings, Eruption.
Tingnan mo kung ano ang kaya mong gawin basta 'andito Ako sa likod mo.’”
Nasama rin si Eric sa series na La Luna Sangre (2018), Bagani (2018), at Ngayon at Kailanman (2019).
Maraming napuntahang karera si Eric nang mawala siya sa Showtime at dala-dala niya ang pangalang Eruption na ibinigay sa kanya ni Direk Bobet kaya hinding-hindi niya makakalimutan ang nasabing programa ng Kapamilya Network.
Sa ngayon ay isang social media influencer at gamer si Eric ‘Eruption’ Tai na inaming ang laki-laki ng kinikita kesa sa showbiz na isang project lang at natutulala na siya sa laki.
At lalo pang maingay ngayon si Eric dahil sa Ting Ting Tang Tang dance steps niya na naging pambansang sayaw ng buong Asya dahil napanood din namin ang ibang bansa na ito ang isinasayaw, parang 'yung Gangnam Style noon ni PSY nu'ng 2012.
Inamin niyang maraming parte na ng bansa ang napuntahan niya kasama ang kanyang dance squad para sa Ting Ting Tang Tang.
Kinailangan na rin niyang magkaroon ng manager para sa negosasyon dahil kung sa kanya didiretso ay mahiyain siya pagdating sa usaping-talent fees.




Comments