top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

ERIC, UMAMIN KUNG BAKIT 'DI NILIGAWAN SI AIKO

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 17, 2024
3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 17, 2024



Pagkalipas nang anim na taon ay muling bumalik si Konsehala Aiko Melendez sa ABS-CBN bilang isa sa cast ng bagong teleseryeng Pamilya Sagrado na pinangungunahan ni Piolo Pascual, handog ng Dreamscape Entertainment.


Nang i-post ni Konsi Aiko sa kanyang social media account na may storycon siya ng Pamilya Sagrado at larawan ng buong cast ay maraming netizens ang nag-comment ng, “Wow, another EMILIA na naman ito. EMILIA is back!" 


Kahit anim na taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin nalilimutan ng mga nakapanood ng seryeng Wildflower na pinagbidahan ni Maja Salvador ang karakter ni Aiko bilang si Emilia Ardiente-Torillo na isang corrupt na politician at maraming ipinaliligpit kapag sumuway sa gusto niya.


Nagpadala kami ng mensahe sa aktres kung ano ang karakter niya sa Pamilya Sagrado at kung kasing-powerful ba ito ni Emilia. 


Natawa si Aiko dahil nabasa rin pala niya ang "Emilia is back!" 


“Ha, ha, ha! Oo nga, Ate. Ang puwede ko palang sabihin na role ko is lawyer ako, ha, ha, ha! Maganda, grabe ‘yung story, Ate, and ang laki ng cast also.” 


Sa madaling salita, powerful nga ang role ni Aiko bilang abogado. 


“Marami kasing plot twist ‘yung story, Ate, lawyer ako ng family nina Piolo and Tito Pip (Tirso Cruz III) who come from a powerful family.”


Walang binanggit ang aktres kung good o bad ang karakter niya. Ang sinigurado lang niya ay powerful siya. 


Nabanggit ding kakaiba ang role ni Piolo at lahat ng mga GenZ stars na kasama nila sa Pamilya Sagrado ay dadaan sa acting workshop bago sila sumabak sa shoot ngayong katapusan ng Pebrero. 


Pag-amin pa ni Aiko, “Nakaka-pressure kasi ang laki ng soap, Ate, kaya ako, mag-watch ako ng mga (shows/movies) sa Netflix and mag-character build-up na ako.” 


At dahil sa Baguio City ang entire shoot ng serye at locked-in ito ay natanong namin kung paano ang trabaho ni Aiko bilang konsehala ng ika-limang distrito ng Quezon City. 


“Inayos ni Mader Ogie (Diaz) na 'di tatamaan ang session days ko and ‘yung barangay ko, inayos ko na rin lahat,” pahayag ng aktres.


Si Ogie Diaz ang manager ni Aiko, na sa tinagal-tagal ng pagkakaibigan at pagiging magkumpare’t kumare nila ay ngayon lang pumayag na i-manage ang showbiz career niya. 


Samantala, sa nakaraang panayam ni Ogie kay Direk Eric Quizon sa vlog nito ay doon lang nalaman na muntikan na palang ligawan ng huli si Aiko na naka-love team niya noong late '80’s and early '90’s.


Naunahan lang daw ng pangamba si Eric dahil siyam na taon ang agwat ng edad niya kay Aiko na noo’y halos nagsisimula pa lang ng kanyang karera.  


Natawa pa nga ang direktor na kapag itinuloy niya ang panliligaw ay baka isipin na pedophile siya, kaya hindi na itinuloy at ang maganda ay naging magkaibigan sila kaya kapag may mga eksena sila ay hindi nila nilalagyan ng malisya.


Hiningan namin ng reaksiyon si Aiko tungkol dito at natawa siya dahil napanood pala niya ang panayam kay Kaizz (tawag kay Eric). 


“Ha, ha! Akala ko hindi niya ako type, ha, ha, ha!” tumawang sabi ng aktres.


Dagdag pa, “Mas importante na magkaibigan kami and ninong siya ni Andre (panganay ng aktres).” 


Sa kasalukuyan ay masaya ang love life ni Aiko kay Zambales 1st District Representative Jay Khonghun at waiting na lang ang lahat kung kailan magpo-propose ang huli.




Bilang tugon sa panawagan ni Atty. Harry Roque na imbestigahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pag-ere ng TV commercial na "EDSA-Pwera,” nilinaw ng Board na wala itong awtoridad na suriin at eksaminin ang mga commercials at advertisements, maliban sa mga itinuturing na Publicity Materials/Promotional Material sa ilalim ng Presidential Decree (P.D) No. 1986 at ng Implementing Rules and Regulations nito. 


Ayon sa P.D No. 1986, tinutukoy ang "publicity materials" bilang "anumang materyal na ginagamit upang magkaroon ng interes sa publiko sa isang motion picture o television program tulad ng television commercials, movie, at television trailers, print advertisements, still photos, photo frames, leaflets, posters at billboards, at iba pang kaugnay na midya." 


Ang nasabing materyal ay hindi itinuturing na publicity material ng anumang motion picture o TV program, kaya hindi ito saklaw ng MTRCB. 


Sa halip, kinikilala ng Board ang awtoridad ng Ad Standards Council ng Pilipinas (ASC) bilang self-regulatory body na responsable sa pagsusuri ng advertising at brand communication materials sa lahat ng midya upang mapanatili ang interes ng mga mamimili at tiyakin ang tapat, makatarungan, at responsableng advertising.

 

 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page