Epekto ng turmeric laban sa obesity at diabetes
- BULGAR
- 12 hours ago
- 3 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | September 1, 2025
Photo File: FP
Dear Doc Erwin,
Ako ay 35 years old, walang asawa at kasalukuyang empleyado sa isang pribadong kumpanya. Limang taon na ang nakakaraan ay na-diagnose ako na may diabetes at obesity. Ayon sa aking doktor makakabuti sa aking kalagayan kung mababawasan ang aking timbang, kaya’t nagsusumikap ako na magpapayat. Subalit nakalipas ang ilang taon ay bigo pa rin ako na pumayat at sa halip ay lalong nadagdagan pa ang aking timbang.
Sumangguni ako sa isang kakilalang nutritionist upang magtanong kung anong mga natural na pagkain o supplement ang makakatulong sa aking pagbabawas ng timbang. Ayon sa kanya, maaaring makatulong ang turmeric o curcumin sa aking pagpapayat. Nais ko sana na malaman kung may mga research studies na sa epekto ng turmeric/curcumin sa pagpapayat ng mga obese na may sakit na diabetes, at kung ito ay epektibo at hindi makakasama sa aking kalusugan. Patuloy sana kayong magbahagi ng mga pinakabagong kaalaman tungkol sa kalusugan sa BULGAR newspaper sa pamamagitan ng inyong Sabi ni Doc column. -- Armando
Maraming salamat Armando sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ayon sa pag-aaral na nailathala noong 2022 sa Diabetes Research and Clinical Practice journal, may estimated na mahigit sa 536 million na katao o mahigit na 10 porsyento ng global population noong taong 2021 ang may diabetes (Type 2 diabetes) at ito ay tataas pa hanggang 12 porsyento sa taong 2030. Isa sa mga risk factors na pinaniniwalaan ng mga dalubhasa na nakakaapekto sa pagkakaroon ng diabetes ay ang abdominal obesity. Kaya’t madalas na ang mga obese na indibidwal ay nagkakaroon ng diabetes.
Ang sakit na diabetes ay maaaring magkakomplikasyon at makaapekto sa iba’t ibang organs sa ating katawan. Maaaring maapektuhan ang ating mga mata, nerves at kidney at posible itong maging dahilan ng sakit sa puso, stroke at peripheral vascular disease. Dahil dito walang nag-iisang gamot ang epektibo sa diabetes at sa mga komplikasyon nito. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na nag-aaral ang mga dalubhasa ng mga natural na alternatibo sa mga pharmaceutical drugs na kasalukuyang ginagamit ng mga doktor upang gamutin ang diabetes.
Noong 2023, sa isang meta-analysis study na inilathala sa American Journal of Clinical Nutrition, napag-alaman na nasa 80 porsyento ng mga pasyente ay karaniwang isinasama ang mga herbal supplements sa kanilang mga gamot. Ang Turmeric ay isa sa mga pinakapopular sa buong mundo na herbal supplement. Ang Turmeric ay galing sa halamang Curcuma longa L. at karaniwang makikita sa mga bansa sa Southeast Asia. Ang aktibong ingredient ng Turmeric ay tinatawag na Curcumin.
Ang Turmeric, at Curcumin na active ingredient nito, ay ginagamit sa iba’t ibang uri ng sakit katulad ng arthritis at ulcerative colitis. Ginagamit din ito bilang liver function enhancer, anti-depressant, at anti-inflammatory. Kilala rin ang Turmeric dahil sa lipid-lowering at anti-cytotoxicity effects nito.
Nito lamang August 2025 ay may lumabas na pinakabagong pag-aaral tungkol sa anti-obesity effect ng Turmeric. Sa isang meta-analysis ng mga randomized controlled trials sa epekto ng Turmeric/Curcumin sa obesity ng mga indibidwal na may Type 2 diabetes at pre-diabetes, napag-alaman ng mga dalubhasa mula sa Diabetes Research Center ng Tehran University of Medical Sciences sa bansang Iran na nakakababa ng timbang ang pag inom ng Turmeric o Curcumin.
Sa pag-aaral na nabanggit, uminom ng Turmeric/Curcumin ang mga pasyente sa loob ng 8 hanggang 36 na linggo. Ang mga uminom ng Turmeric/Curcumin ng mahigit sa 22 linggo ay nabawasan ng mahigit sa 2 kilograms ang timbang at nabawasan din ng 2 hanggang 3 centimeters ang waistline.
Mababasa ang meta-analysis study na ito sa Nutrition & Diabetes journal, Volume 15, Article Number 34 (2025). Inilathala ang artikulo na ito noong August 14, 2025.
Tatlo sa 20 pag-aaral na kasama sa meta-analysis study na ito ang nag-report ng mga adverse effects katulad ng pagsakit ng tiyan, pangangati, pagkahilo, constipation, hot flashes at nausea. Kaya’t kung ninanais na uminom ng Turmeric o Curcumin ay makakabuti na sumangguni muna sa inyong doktor upang magabayan sa tamang dosage at pag-inom nito upang maiwasan ang masamang epekto (adverse effects) at posibleng drug interactions sa mga gamot na iyong iniinom.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments