Epekto ng pahayag ng santo papa sa mga konserbatibong miyembro ng simbahan
- BULGAR
- Oct 25, 2020
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | October 25, 2020
Maraming natuwa at nagulantang sa sinabi ng Santo Papa. Noong siya’y Arsobispo pa lamang ng Buenos Aires sa Argentina, sinabi na ni Jorge Borgoglio na sinusuportahan niya ang pagsasamang sibil o legal (same sex civil union) ng mga LGBTQ+. Aniya, “May karapatan ang miyembro ng LGBTQ+ na maprotektahan ng batas”. At ang mga nagsasamang LGBTQ+ ay may karapatang maging bahagi ng pamilya.
Napakaraming kumalat na text messages at kumentaryo laban kay Papa Francisco sa sinabi niyang ito. Ngunit sa maraming grupo at indibiduwal na LGBTQ+, lubos na natuwa sa matapang na pahayag nito. Samantalang galing ang mga negatibong kumentaryo sa mga konserbatibong miyembro ng simbahan.
Ibang-iba na ang kasalukuyang panahon pagdating sa pagkilala sa pagkatao ng miyembro ng LGBTQ+. Hindi legal at hindi rin konstitusyunal ang pagtatangi, panlalait at pangmamaliit sa kanila sa maraming bansa
Noong dekada ‘60s hanggang ‘70s, malakas pa ang tinatawag na “homophobia” o pagtanggi sa mga bakla at lesbian. Dahil sa kulturang “macho”, malakas ang reaksiyon at diskriminasyon sa kanila noong panahong iyon. Naaalala natin noong tayo ay nasa kolehiyo ng kilalang eskuwelahan, madalas mabasa sa mga CR ang mga graffiti laban sa kanila. Sa itaas ng urinal sa mismong harapan mo kung ikaw ay gagamit nito mababasa ang mga insulto at maaanghang na salita laban sa mga estudyanteng lalaking binabansagan o kinakantiyawang “bakla” o “bading.”
Subalit sa mga taong ito rin nagsimula ang naturang Gay Liberation Movement o Homophile Movement sa Estados Unidos at iba’t ibang bansa. Ito rin ang naging simula ng popular na “Gay Pride Parade” sa buong mundo. Sinimulan ang Gay Pride Parade nina Craig Rodwell at ng kanyang partner na si Fred Sargeant noong ika-27 ng Hunyo, 1970 sa Chicago USA.
Hindi ito madaling usapin sa maraming bahagi ng mundo. Mas madaling huwag na lang pag-usapan dahil mainit ang maaaring maging reaksiyon ng iba’t ibang panig. Ganito ang nangyayari sa pahayag ni Papa Francisco tungkol sa kanyang pagsuporta sa Same Sex Civil Unions. Napakaraming bumabatikos at nagsasabing mali, masama, lihis at taliwas ang pahayag ng Santo Papa sa tunay na itinuturo ng Simbahan. Karugtong ng kanyang pahayag ay ang kanyang paglilinaw na tanging babae at lalaki lamang ang maaaring maging mag-asawa o tumanggap ng sakramento ng matrimonyo o kasal.
Ang kanyang pangunahing prinsipyo ay ang hetoroseksuwal na batayan ng lahat ng kaugnayang sosyal (heterosexual character of all ordered social life). Dahil sa kontrobersiyal na pahayag, maaaring maraming nagalit sa isang banda, ngunit maraming umaasang magkaroon ng mas malalim na diyalogo tungo sa makabuluhang unawaan ng simbahan at ng lumalaking sektor ng LGBTQ+.
Sa katapusan, maaaring pagtalunan kung ano ba ang mas mahalaga, kasarian o relihiyon o dangal ng tao? O, sino ba ang mas tao ang mga “straight” o LGBTQ+? May sagot na para rito ang Hagibis. May sagot na rin si Papa Francisco. Ngunit tayo, ano ang sagot natin?





Comments