Epekto ng pag-aalok ng bayad o tulong medikal sa mga kaso na nagresulta sa pinsala
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 5, 2022
Dear Chief Acosta,
Mayroon po akong nasaging lalaki sa aking pagmamaneho pauwi noong isang linggo. Dahil dito, agad ko pong inalok ng tulong pampagamot o medikal ang lalaking ito gawa ng aking pag-aalala sa kanyang kalagayan. Ganunpaman, akin pong napagtanto na baka gamitin laban sa akin ang aking pagmamagandang-loob at ipakahulugan ito bilang pag-amin o pag-ako ng kamalian. Tama po ba ang aking pag-aagam-agam?
Ivan
Dear Ivan,
Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 28 ng Revised Rules on Evidence, ang alituntunin patungkol sa epekto ng pag-aalok ng pambayad o tulong medical sa mga kaso na nagresulta sa pinsala o injury, viz:
“Section 28. Offer of compromise not admissible. – In civil cases, an offer of compromise is not an admission of any liability, and is not admissible in evidence against the offeror. Neither is evidence of conduct nor statements made in compromise negotiations admissible, except evidence otherwise discoverable or offered for another purpose, such as proving bias or prejudice of a witness, negativing a contention of undue delay, or proving an effort to obstruct a criminal investigation or prosecution.
In criminal cases, except those involving quasi-offenses (criminal negligence) or those allowed by law to be compromised, an offer of compromise by the accused may be received in evidence as an implied admission of guilt.
A plea of guilty later withdrawn or an unaccepted offer of a plea of guilty to a lesser offense is not admissible in evidence against the accused who made the plea or offer. Neither is any statement made in the course of plea bargaining with the prosecution, which does not result in a plea of guilty or which results in a plea of guilty later withdrawn, admissible.
An offer to pay, or the payment of medical, hospital or other expenses occasioned by an injury, is not admissible in evidence as proof of civil or criminal liability for the injury.” (Binigyang-diin)
Kaugnay sa nabanggit na alituntunin, malinaw na hindi maaaring gamitin bilang kontra- ebidensiya o patunay ng kapananagutan ang pagmamagandang-loob ng isang tao. Ito ay alinsunod sa tinatawag na Good Samaritan Rule na matatagpuan sa huling talata ng Seksyon 28, Rule 130 ng Revised Rules on Evidence na sinasabing hindi maaaring maging ebidensiya ng kapananagutan sa mga kasong civil o criminal ang pag-aalok ng tulong pampagamot o pagpapaospital.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments