top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Epekto ng annulment sa status ng hindi rehistradong legitimated child

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 29, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 29, 2020



Dear Chief Acosta,

Bago kami ikasal ng aking dating asawa ay may isa na kaming anak. Kung kaya, ang nakarehistro sa kanyang birth certificate ay illegitimate, at apelyido ko pa ang kanyang ginagamit. Hindi na namin naasikasong iparehistro siya bilang legitimated child. Halos walong taon na kaming hiwalay ng aking asawa at kailan lang ay idineklara na ng korte na wala nang bisa ang aming kasal dahil sa psychological incapacity. Magiging illegitimate child ba ang aming anak dahil hindi ko siya naiparehistro bilang legimated child at napawalang bisa na ang aming kasal? – Anna


Dear Anna,


Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Ang batang ipinanganak habang hindi pa kasal ang kanyang mga magulang ay maaaring maging legitimated child kung ang mga magulang, na may legal na kapasidad na magpakasal noong araw na ang bata ay nabuo ay magpapakasal. Ang pagtaas ng civil status ng bata mula sa pagiging illegitimate hanggang sa maging legitimate ay ipso jure o by operation of law. Ito ay alinsunod sa Article 177 ng Family Code of the Philippines na inamyendahan ng Republic Act No. 9858 o An Act Providing For The Legitimation Of Children Born To Parents Below Marrying Age at Article 178 na nagsasabing:


“Art. 177. Children conceived and born outside of wedlock of parents who, at the time of conception of the former, were not disqualified by any impediment to marry each other, or were so disqualified only because either or both of them were below eighteen (18) years of age, may be legitimated."
“Art. 178. Legitimation shall take place by a subsequent valid marriage between parents. The annulment of a voidable marriage shall not affect the legitimation.”

Base sa nabanggit na batas, malinaw na hindi maaapektuhan ang civil status ng inyong anak bilang legitimate child kahit na napawalang bisa na ang inyong kasal. Ayon sa Article 178 (nakalahad sa itaas), ang legitimation ng inyong anak ay naganap noong kayo ay magpakasal sa kondisyon na kayong dating mag-asawa ay parehong may legal na kapasidad na magpakasal noong ang anak ninyo ay nabuo hanggang sa kayo ay nagpakasal. Sa kabilang banda, hindi rin maaapektuhan ang civil status ng inyong anak kahit hindi ninyo siya narehistro bilang legitimated child noong kayo ay nagpakasal. Sa mata ng batas, ang inyong anak ay legitimate na.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page