top of page
Search

Enrollment ng mga bata, start na

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | July 4, 2024



Boses by Ryan Sison


Mas maagang pag-aaral mas mainam para sa mga bata. Binuksan na kasi ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules ang enrollment period para sa School Year 2024-2025 sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa. 


Batay sa Department Memorandum 32 s. 2024 na nilagdaan ni DepEd Undersecretary Nolasco Mempin, ang pagsasagawa ng enrollment sa mga public elementary at secondary, kabilang ang community learning centers, ay itinakda mula July 3 hanggang 26. 


Ang enrollment ay maaaring isagawa ng in-person, remote, o sa pamamagitan ng mga dropbox form na matatagpuan sa mga paaralan at barangay hall. 


Ang mga pribadong paaralan naman, state and local universities and colleges (SUCs/LUCs), at Philippine Schools Overseas (PSOs) na nag-aalok ng basic education ay maaaring i-adopt ang kanilang sariling enrollment procedures na naaayon sa kanilang charter o school manuals, gayundin sa mga nasasaklaw na patakaran ng DepEd. 


Kailangan lamang nilang i-report ang kanilang official enrollment sa pamamagitan ng kani-kanilang schools division offices bago o sa July 22. Ang mga PSOs naman ay dapat magsumite ng sarili nilang procedures sa Private Education Office. 

Nakatakdang simulan ang SY 2024-2025 sa July 29, 2024 at magtatapos ito sa April 15, 2025.


Matatandaang, noong May ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hakbang na simulan ang unti-unting pagbabalik sa old school calendar, kung saan tatapusin ang incoming school year nang mas maaga kaysa sa orihinal na plano. 


Inaasahan namang pangungunahan ni bagong DepEd Secretary Sonny Angara ang papasok na academic year, matapos magbitiw na kalihim ni Vice President Sara Duterte.

Mabuti na ring nagsasagawa na ng enrollment ang kinauukulan sa mga public school para sa school year 2024-2025. Magiging maaga siyempre ang pasukan at pag-aaral ng mga bata.


Kapag kasi matagal na nagbakasyon ang mga estudyante at natambay sa bahay ay posibleng tamarin na naman ang mga ito at makalimutan ang mga natutunan.  

Maganda talagang simulan kaagad ang pasukan para mas matutukan at mahasa nang husto ang mga bata sa kanilang pag-aaral at learning skills, gayundin, madagdagan ang kanilang karunungan. 


Batid naman natin na mahina at halos nangungulelat na tayo sa ibang mga bansa pagdating sa kaalaman at edukasyon. Kaya tama lang na ngayon pa lang ay bumawi na at pagsikapan nating paangatin ang academic performance ng mga kabataan.

Isipin sana natin na hindi tayo bagsak, bagkus mahuhusay tayong mga Pinoy sa kahit na anong larangan, ang kailangan lamang talaga ay tamang pagsasanay, malalim at wastong edukasyon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page