Enigmatic Linden at Sudden Impact sa Turf
- BULGAR
- Mar 2, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 2, 2023
Magtatambalan sina Enigmatic Linden at Sudden Impact para lahukan ang 2023 PHILRACOM Road To Henry Cojuangco Cup na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa darating na Linggo, (Marso 5).
Sina Enigmatic Linden at Sudden Impact na rerendahan nina Kelvin Abobo at RG Raquel ayon sa pagkakasunod ay kasama sa mga nominadong kabayo sa nasabing event, makakaharap nila ang anim na nagsaad din ng pagsali sa stakes race.
Ang ibang nagdeklara ng pagsali ay sina Bombay Nights, Runway Dreamer, Shastaloo, Speed Fantasy, Time For Glory at Treasure Hunting sa distansyang 1,600 meter race.
Nakalaan ang P500,000 na garantisadong premyo na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Kukubrahin ng horse owner ng mananalong kabayo ang P300,000, mapupunta sa second placer ang P112,500 habang tig-P62,500 at P25,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.
Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, posibleng magpakitang-gilas sa karera ang kalahok na Time For Glory at Shastaloo.
"Mahuhusay na kabayo rin sina Shastaloo at Time For Glory kaya magandang laban ang masisilayan natin diyan," saad ni Carlito Gonzales, veteran karerista. "Abangan na lang natin sa Linggo, pagalingan na lang din sa pagsilip."
Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kahapon ng Miyerkules kaya naging masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments