ni Ryan Sison @Boses | Oct. 25, 2024
Sa gitna ng hagupit ng Bagyong Kristine, mababatid natin na mayroon pa ring mga nagsisikap na pumasok sa trabaho para lamang kumita ng pera kahit kaunti.
Kaya naman nanawagan si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma sa mga employer na maging maluwag sa kanilang mga empleyado tuwing nakakaranas ang ating bansa ng masamang panahon.
Sinabi niya na kung maaari ay payagan ng mga employer ang kanilang mga empleyado na hindi pumasok sa trabaho lalo na kung magiging mapanganib ang buhay ng mga ito.
Ayon kay Laguesma, mayroong nasusunod na batas hinggil dito, ang “No Work, No Pay” policy kapag nag-absent ang isang empleyado. Gayunman, binanggit din niya ang Labor Advisory No. 17 noong 2022, na nagbibigay sa mga private employer ng discretion o pagpapasya na suspendihin ang trabaho “upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga empleyado sa panahon ng weather disturbances at katulad na mga pangyayari”.
Hinikayat din ng DOLE chief ang mga employer na intindihin na lamang ang kanilang mga empleyado kapag hindi nakapag-report sa trabaho dahilan sa mga kalamidad o sakuna kaysa “disiplinahin” o parusahan ang mga ito.
Mabuti at nauunawaan ng kinauukulan ang kalagayan ng mga manggagawa partikular na tuwing binabayo tayo ng matinding sama ng panahon.
Hindi kasi madali na magbiyahe para sa mga ordinaryong empleyado na hindi alam ang mga susuunging kalsada, kung may masasakyan ba sila o wala, o may baha kaya sa daraanan habang papasok sila sa trabaho, at paano rin sa kanilang pag-uwi kapag lumakas pa ang buhos ng ulan.
Kumbaga, hindi nila iniisip ito dahil ang mahalaga para sa mga empleyado ay makapagtrabaho sila.
Hiling lang natin sa mga employer na bukod sa pagiging maluwag sa kanilang empleyado kapag may kalamidad, sana ay bukas din sila sa posibilidad na magbigay ng double pay sa ganitong panahon lalo na sa mga tinaguriang ‘imortal’ na empleyado na kahit pa liparin sa lakas ng hangin dahil sa bagyo ay nagagawang pumasok sa trabaho.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments