Emergency employment sa 10-K nasalanta ng bagyo, now na!
ni Ryan Sison - @Boses | November 08, 2020
Hindi lang mga tao at kabahayan ang apektado ng bagyong Rolly sa mga probinsiyang sinalanta nito dahil ang kabuhayan ay ganundin.
Doble-dagok ito sa mga nasalanta dahil nahaharap na nga sa pandemya, tinamaan pa ng bagyo.
Kaugnay nito, magbibigay ng emergency employment ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD).
Sa ngayon, nangako na ang kalihim ng ahensiya na magkakaroon ng 5,000 benepisaryo sa Catanduanes, ganundin sa Albay.
Matatandaang unang nag-landfall ang bagyong Rolly sa Bato, Catanduanes, umaga ng Nobyembre 1 at nag-landfall naman sa Tiwi, Albay makalipas ang ilang oras.
Samantala, sinabi ng DOLE na P180 milyon ang kakailanganing pondo para sa Region 5, gayundin, ipatutupad ng ahensiya ang programa, pero ang mga benepisaryo at kailangang kilalanin ng mga lokal na pamahalaan
Kung tutuusin, malaking bagay sa mga nasalanta ng bagyo ang pagkakataong makapagtrabaho.
Imbes na ipaabot lang nang ipaabot ang tulong, bigyan natin sila ng tsansang kumayod dahil ‘ika nga, hindi puwedeng forever na umasa sa ayuda.
‘Yun nga lang, dapat maipatupad ito agad para makinabang ang dapat makinabang.
Isa pa, siguraduhin nating walang anomalyang magaganap sa programang ito, kaya panawagan sa mga kinauukulan, tiyaking karapat-dapat ang mga makatatanggap ng tulong.
Hindi ngayon ang panahon para magpabagal-bagal, kaya plis lang, galaw-galaw na para sa mga nasalanta.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments