Embiid, Siakam, Randle at Jokic, nagpatahimik
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 23, 2021

Nakalusot ang bisitang Phoenix Suns sa numero uno sa NBA Eastern Conference Philadelphia 76ers, 116-113, kahapon sa Wells Fargo Center. Nanatiling pangalawa sa Western Conference sa kartadang 42-16, desidido ang Suns na makabalik sa playoffs sa susunod na buwan matapos huling makapasok noong 2010.
Kasunod ng mga pampahabol na tres nina Joel Embiid at Furkan Korkmaz, ipinasok ni Chris Paul ang free throw na may 0.8 segundo sa orasan at sinundan ito ng mintis at nasungkit ni Embiid ang bola sabay ng 67 talampakang tira. Nanguna si Paul sa 10 ng 28 puntos sa fourth quarter at sinundan ni Devin Booker na may 19.
Hindi nakalapit ang pumapangalawang Brooklyn Nets sa 76ers at binigyan sila ng masaklap na 114-103 talo ng Toronto Raptors. Namuno si Pascal Siakam na may 27 puntos habang may 25 si OG Anunoby.
Muntikan na subalit kumapit ang Denver Nuggets kontra sa Portland Trail Blazers, 106-105, para sa ika-apat na sunod na panalo. Sinigurado ang panalo ng free throw ni Nikola Jokic na nagtapos na may 25 puntos at sinundan ni Michael Porter Jr. na may 17.
Mainit pa rin ang New York Knicks at walo na ang sunod-sunod na tagumpay matapos pabagsakin ang Atlanta Hawks sa overtime, 137-127, at magpalitan para sa ika-apat na puwesto sa East. Ibinuhos ng Knicks ang unang 10 puntos sa dagdag na 5 minuto para lumamang, 132-122, at nagtapos na may 40 puntos at 11 rebound si Julius Randle at nag-ambag ng tig-20 puntos sina Derrick Rose at rookie Immanuel Quickley.
Wagi ang Utah Jazz sa Houston Rockets, 112-96. Pumukol ng apat na tres si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson para sa 22 puntos habang may dagdag na 21 puntos buhat sa anim na tres si Joe Ingles.
Bumawi mula sa mabagal na simula ang Los Angeles Clippers at pinatahimik ang Memphis Grizzlies, 117-105. Inangat nina Luke Kennard na may 28 puntos at Marcus Morris Sr. na may 25 puntos ang laro nila upang takpan ang sabay na pagliban nina Paul George at Kawhi Leonard.





Comments