Embiid, nagka-Covid; Curry, naka-50 puntos
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 10, 2021

Umapoy para sa 50 puntos buhat sa siyam na three-points si Stephen Curry upang buhatin ang Golden State Warriors kontra Atlanta Hawks, 127-113, kahapon sa Chase Center at manatiling numero uno sa NBA sa kartadang 9-1. Naglaro lang ng 35 minuto si Curry at umupo na matapos maabot ang 50 na may apat na minuto sa orasan at lamang ang Warriors, 121-99.
Samantala, nagtala ang New York Knicks ng 103-96 panalo sa kulang na Philadelphia 76ers. Kahit bigo, nanatili pa rin sa tuktok ng Eastern Conference ang 76ers sa kartadang 8-3 subalit tumanggap ng doble dagok matapos tamaan ng COVID-19 si superstar Joel Embiid kaya hindi muna nakalaro at magpapagaling.
Bumanat para sa 10 ng 31 puntos si Julius Randle at double-double din si RJ Barrett na 15 puntos. Maliban kay Embiid, nauna nang isinailalim sa health protocols sina Tobias Harris, Isaiah Joe at Matisse Thybulle habang hinahanapan pa rin ng malilipatang koponan ang pasaway na si Ben Simmons na nagsabing ayaw na niya sa Philadelphia,
Hindi kinuha ng Miami Heat ang pagkakataon na maagaw ang liderato ng East at nagwagi sa kanila ang Denver Nuggets, 113-96. Gumawa ng triple double si MVP Nikola Jokic na 25 puntos.
Lumapit ang Chicago Bulls sa 76ers matapos pabagsakin ang Brooklyn Nets, 118-95, sa likod ng 42 puntos sa 4th quarter. Nanguna si rookie Ayo Dosunmu na may 11 puntos sa fourth quarter upang suportahan ang beteranong si DeMar DeRozan na may 28 puntos
Inabot hanggang huling segundo ng overtime at sinalba ang Los Angeles Lakers ng kanilang depensa upang makatakas sa bisitang Charlotte Hornets, 126-123. Kinailangan ng Memphis Grizzlies ang overtime upang lusutan ang Minnesota Timberwolves, 125-118.
Samantala, dumalaw ang World Champion Milwaukee Bucks kay Pangulong Joseph Biden sa White House. Ang Cleveland Cavaliers ang huling kampeon na dumalaw kay Pangulong Barack Obama noong 2016.





Comments