top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Embiid, Middleton, Jackson at Curry, mga manliligpit

BULGAR
Apr 16, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 16, 2021




Walang duda na ang Philadelphia 76ers ang numero unong koponan ng NBA Eastern Conference matapos nilang talunin muli ang matinding karibal Brooklyn Nets, 123-117, sa tampok na laro kahapon sa Wells Fargo Center. Naging sapat ang 22 puntos na lamang ng 76ers sa 4th quarter, 112-90, at nagpakita ng tibay ng loob sa gitna ng huling tangkang humabol ng Nets.

Halimaw pa rin ang mga numero ni Joel Embiid na 39 puntos at 13 rebound at sinundan ni Tobias Harris na may 26. Wagi ang Philadelphia sa kanilang serye ngayong taon, 2-1, at mahalaga ito sakaling magtabla ang dalawang koponan sa pagpasok sa playoffs ngayong Mayo.

Tahimik na lumapit ang Milwaukee Bucks sa 76ers at Nets matapos ligpitin ang kulelat na Minnesota Timberwolves, 130-105. Bumida sina Khris Middleton na may 27 puntos at Brook Lopez na may 18 kahit lumiban sa ika-anim sunod na laro si MVP Giannis Antetokounmpo.

Pumasok ang buslo ni Reggie Jackson na may 2.8 segundong nalalabi upang buhatin ang Los Angeles Clippers kontra sa kulelat ng East Detroit Pistons, 100-98. Iyan ang nagsilbing nararapat na tuldok sa mahusay na laro ni Jackson na gumawa ng 29 puntos at sinundan ni Ivica Zubac na may 18 puntos at 13 rebounds habang hindi naglaro ang tambalang Kawhi Leonard at Paul George.

Ilang minuto matapos manalo ang Clippers, pagkakataon naman ni Luka Doncic at naipanalo niya ang Dallas Mavericks sa Memphis Grizzlies, 114-113, salamat sa tres sabay ng huling busina. Nagtapos si Doncic na may 29 puntos at sinuportahan ni Kristaps Porzingis na may 21 puntos.

Wala pa ring nakapigil sa umaapoy na kamay ni Stephen Curry sa 147-109 pagdurog ng Golden State Warriors sa Oklahoma City Thunder. Nagtala ng 42 puntos si Curry buhat sa 11 tres sa 29 na minuto at sinundan ni Jordan Poole na may 17 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page