top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Embiid, bumida sa 76ers; Mavs, nakabawi vs. Suns

Writer: BULGAR
BULGAR
May 8, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 8, 2022



Nagbigay ng inspirasyon ang pagbabalik ni Joel Embiid at nagwagi ang kanyang Philadelphia 76ers sa Miami Heat, 99-77, at maiwasan mawalis sa Eastern Conference Semifinals ng NBA Playoffs, kahapon sa Wells Fargo Center. Nakaiwas din sa walis ang Dallas Mavericks at nanalo sa bisitang Phoenix Suns, 103-94, sa kanilang Game 3 sa Western Conference.


Suot ang maskara upang bigyang proteksiyon ang kanyang mata matapos lumiban sa unang dalawang laro ng seryeng best-of-seven, gumawa agad si Embiid ng 7 puntos sa first quarter para sa 21-17 lamang ng 76ers. Minsan lang nakatabla ang Heat sa 3rd quarter, 57-57, at nagising ang Philadelphia sa likod ng 14 puntos ni Tyrese Maxey sa 4th quarter na pumantay sa 14 ng buong koponan ng Miami.


Nagtapos si Maxey na may 21 puntos buhat sa limang 3-points at 21 puntos din si Danny Green, lahat mula sa pitong tres. Double-double si Embiid na 18 puntos at 11 rebound at susubukan na nilang itabla ang serye sa 2-2 sa Game 4 ngayong Lunes.


Mahusay pa rin si Jimmy Butler sa kanyang 33 puntos subalit sabay-sabay inalat ang laro ng mga kakampi. Tanging si Sixth Man of the Year Tyler Herro ang gumana sa 14 puntos.


Humataw ang Suns sa 11-5 na lamang subalit nahanap ni Jalen Brunson ang kanyang shooting at nagbagsak ng 10 puntos upang itulak ang Mavs sa 29-20 lamang sa pagtapos ng first quarter at hindi na binitawan ito. Namuno sa Dallas si Brunson na may 28 puntos habang kinapos ng isang assist si Doncic para sa triple double sa 26 puntos. Sumunod si Bullock na nag-ambag ng 15 puntos.


Nanguna sa Suns si Jae Crowder na may 19 puntos habang 18 puntos si Devin Booker. Nasayang ang selebrasyon ni Chris Paul ng kanyang ika-37 kaarawan at gumawa lang ng 12 puntos at tinapon ang bola nang pitong beses sa gitna ng mahigpit na depensa sa kanya.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page