Embiid at Morant, reserba para sa NBA-All Star Game
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 4, 2023

Pangungunahan nina Joel Embiid ng Philadelphia 76ers at Ja Morant ng Memphis Grizzlies ang 14 reserba na ipinangalan kahapon para sa 2023 NBA All-Star Game sa Salt Lake City, Utah ngayong Pebrero 20 (petsa sa Pilipinas). Mamimili na ang mga kapitan LeBron James at Giannis Antetokoumpo ng mga kakampi sa araw mismo ng laro na pinakamalaking pagbabago sa taunang laro.
Si Embiid ang kasalukuyang numero uno sa puntos subalit hindi nakapasok sa botohan ng mga tagahanga, media at kapwa manalalaro. Sasamahan siya buhat sa Eastern Conference ng mga beteranong sina Bam Adebayo, Jaylen Brown, DeMar DeRozan, Jrue Holiday, Julius Randle at si Tyrese Haliburton na All-Star sa unang pagkakataon.
Maliban kay Morant, may pangalawang kinatawan ang Memphis Grizzlies sa baguhang All-Star Jaren Jackson Jr. Nahirang din mula sa Western Conference ang mga suki ng All-Star Paul George, Damian Lillard at Domantas Sabonis at mga bagong hirang na All-Star Shai Gilgeous-Alexander at Lauri Markkanen.
Itinalaga bilang mga head coach sina Coach Mazzulla ng Boston Celtics para sa Team Giannis at Coach Michael Malone ng Denver Nuggets para sa Team LeBron. Ito ang unang All-Star ni Coach Mazzulla habang pangalawa kay Coach Malone matapos ang 2019.
Sa mga laro kahapon, naka-shoot na may 35 segundo sa orasan si Anthony Davis at sinundan niya ito ng supalpal sa tira ni Haliburton upang mapreserba ang 112-111 panalo ng Los Angeles Lakers sa Pacers. Bumagsak ng masama si Luka Doncic sa third quarter at hindi na bumalik subalit kumapit ang kanyang Dallas Mavericks at wagi sa New Orleans Pelicans, 111-106.





Comments