Election honoraria ng mga guro, hindi na dapat buwisan pa
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 15, 2021
Eleksiyon na naman sa susunod na taon.
Dahil dito ay muli nating isinusulong ang tax exemption sa honoraria, travel allowance at iba pang mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga poll workers, lalo na ang mga guro, opisyal at mga kawani ng Department of Education (DepEd).
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1193 na inihain ng inyong lingkod noong 2019, ipinapanukala ang muling pag-amyenda sa una nang na-amyendahang National Internal Revenue Code of 1997, o ang Republic Act No. 8424, upang matanggap ng mga poll workers ang buong halaga ng kanilang honoraria, travel allowance at iba pang mga benepisyo. Bukod dito, layon din ng ating panukalang-batas na huwag nang isama ang honoraria at allowances sa gross income ng mga poll workers. Sa kasalukuyan, ang election honoraria ng mga naturang poll workers ay pinapatawan ng limang porsiyentong buwis.
Habang patuloy ang pagsisikap ng mga guro at ng ibang mga kawani ng DepEd upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya, nais nating bigyang-diin dito ang mahalagang papel nila upang matiyak ang malinis, maayos at mapayapang halalan. Hindi kaila sa atin na humaharap ang mga guro sa panganib na dulot ng mga karahasang may kinalaman sa halalan, lalo na sa mga itinuturing na high risk areas. Noong 2019 midterm elections ay may mahigit kalahating milyong mga guro, opisyal at kawani ang ipinadala sa mahigit 36,000 poll centers.
Sa ilalim ng Election Service Reform Act (Republic Act No. 10756), ang mga Chairperson ng Electoral Board ay nakatatanggap ng tig-anim na libong piso, samantalang ang mga kasapi ng electoral boards ay nakatatanggap ng tig-limang libong piso. Ang mga Department of Education Supervisor Officials (DESO) ay nakatatanggap ng tig-apat na libong piso, samantalang tig-dalawang libong piso naman ang natatanggap ng support staff.
Ang mga honoraria at allowances ng mga guro ay pinapatawan ng income tax kung lagpas sa P250, 000 and kanilang annual taxable income sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Habang ang mga kumikita naman ng mas mababa sa naturang halaga ay kailangang magsumite ng pormal na deklarasyon ng tax exemptions.
Sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya, alam nating ang mga guro, opisyal at kawani ng mga pampublikong paaralan ay nagsisilbing frontliners upang matiyak ang maayos at malinis na halalan.
Hindi biro ang kanilang trabaho, mula sa preparasyon hanggang sa bilangan ng mga balota. Masinsinang oras at pagod ang kanilang iginugugol upang maging matagumpay ang bawat hakbang ng proseso. Kaya maituturing nating paraan ng pasasalamat ang pagbibigay sa kanila ng tax exemption para sa kanilang dedikasyon at sakripisyo.
Ang inyong lingkod, bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay patuloy na nakaantabay at nakasuporta para sa kanilang kapakanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments