Edukasyon sa panahon ng pandemya: unahin ang kaligtasan, kapakanan at buhay ng mga bata

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 21, 2020
Kamakailan, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Education na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24. Ang bagong petsa ay Oktubre 5. Ito ay upang mabigyan pa ng dagdag na panahon ang DepEd at mga paaralan para plantsahin at ayusin pa ang lahat ng kailangan sa pag-implementa ng learning continuity plan sa panahon ng pandemya.
Ito ay pagbibigay din ng konsiderasyon at pagmamalasakit sa sitwasyon ng mga mag-aaral pati sa kanilang mga magulang na apektado ang pamumuhay dahil sa krisis na pinagdaraanan natin ngayon.
Kaya naman, upang mas maprotektahan ang ating mga mag-aaral, ipatutupad ang tinatawag na “blended learning” kung saan gagamitin ang iba’t ibang online at offline teaching techniques.
Subalit, alam nating maraming mahihirapan sa pag-a-adjust lalo na ang mahihirap na mga estudyante. Sa anumang desisyon ng gobyerno, ang mga mahihirap at vulnerable ang prayoridad natin. Kaya nakikiusap tayong muling bigyan ng konsiderasyon ang mga estudyante para hindi maipasa sa kanila ang pasakit ng pag-a-adjust sa makabagong paraan ng pag-aaral.
Siguraduhin nating may pantay-pantay na oportunidad ang mga bata na makapag-aral kahit saan mang parte ng bansa sila naroon at anumang estado nila sa buhay.
Gayundin, bigyan ng konsiderasyon ang marami nating kababayan na walang pambili ng kagamitan, walang access sa internet at walang pambayad sa matrikula at iba pang gastusin dahil nawalan ng trabaho ang pamilya dahil sa krisis na epekto ng pandemya.
Isang bagong sistema ang mararanasan ng ating mga paaralan ngayon at sa mga susunod pang mga taon. Kung sakaling hindi pa maisagawa ang mga tamang preparasyon para sa pagbukas ng klase, lalo na sa mga malalayong lugar, huwag muna nating pilitin.
Kaya nasabi nating sana walang bumagsak ay ‘out of compassion’ sa kanilang pinagdadaanan. Importante rin na masigurong handa ang mga guro lalo na sa makabagong paraan nang sa gayun ay hindi makompromiso ang matututunan ng estudyante.
Sa lahat ng hakbang na ating gagawin, isaalang-alang muna natin ang kaligtasan, kapakanan at buhay ng ating mga kabataan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments