Edukasyon, kalusugan at estado ng mga batang may disabilities, iprayoridad!
- BULGAR

- Nov 28, 2020
- 3 min read
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | November 28, 2020
“Ang edukasyon ang pinaka-natatanging paraan upang maiangat ang iyong sarili. Sa pamamagitan ng edukasyon, ang anak na babae ng magsasaka ay maaaring maging doktor; na ang anak na lalaki ng minero ay maaaring magmay-ari ng minahan; at ang anak ng mga magbubukid ay maaaring maging pangulo ng katangi-tanging bansa. Ito ang maaari nating magawa sa kung ano ang mayroon tayo at hindi sa kung ano ang ibinigay sa atin..” — ito ay halaw na sipi mula sa pamosong si Nelson Mandela na dating pangulo ng South Africa mula 1994 hanggang 1999.
Ganito kahalaga sa rebolusyonaryo at pilantropong tulad ni Mandela ang edukasyon. Sa kanyang pamilya, ayon sa kanyang kasaysayan, wala ni isa man ang nakapag-aral kundi siya lamang dala na rin ng kahirapan.
Bago pa man tayo naging lingkod-bayan, gayundin ang ating pumanaw na ama, isa sa ating pinahahalagahan ang maayos at sapat na edukasyon. Kaya’t ito ang ang ating adbokasiya mula pa noon hanggang ngayon, lalo na para sa mga kababayan nating walang kakayahang makapag-aral o mapag-aral ang kani-kanilang anak, dulot ng kahirapan at iba pang suliranin sa buhay. At kasama sa adhikain nating sapat na edukasyon ang mga batang may kapansanan, hindi lamang sa pisikal na aspeto kundi maging sa isip.
Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan upang maging edukado ang tao — lalo na ang kapansanan. Walang dapat na naiiwan sa edukasyon.
Sa Senado, isinusulong ngayon, kasama ang inyong lingkod ang pagbibigay-importansiya sa edukasyon, kalusugan at estado ng mga batang may disabilities.
Base sa inilabas na datos ng DepEd, tinatayang 440,000 students with disabilities ang nakapag-enroll nang nakaraang school year. Pero kung ibabase natin ang bilang na ito sa datos ng PhilHealth na mayroong humigit-kumulang 5 milyong children with disabilities sa bansa, posibleng mas marami ang hindi nakakapag-enroll at nakakapasok sa paaralan.
Dahil dito, nararapat lamang na magkaloob ang gobyerno ng mga kaukulang tulong o suporta sa mga mag-aaral na may kapansanan. Sa pamamagitan ng pedagogic methods o ang nauukol na sistema ng pagtuturo sa mga estudyanteng ito, pasasaan ba’t makahahabol din sila sa takbo ng edukasyon. Hindi dapat itinuturing na kulang sa kakayanan at kakayahan ang mga mag-aaral na ito dahil lang sa kanilang kapansanan.
Kaya’t tayo ay lubos na sumusuporta sa Senate Bill No. 1907 na isinusulong ngayon ng ating kaibigan at kasamahan sa senado na si Sen. Win Gatchalian, chairman ng Senate committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ang isa pang malaking suliranin natin sa bansa, partikular sa sistemang pangkalusugan ay ang kakulangan ng development pediatricians o mga doktor na espesyalista sa pagsuri at paglilinang sa mga batang may mental development delay at ang mga may autism.
Dito sa atin, may mga magulang na bago nila maipasuri sa development pediatrician ang kanilang anak na may autism, maghihintay pa sila ng ilang buwan bago magkaroon ng appointment. Nakalulungkot na hindi agad nabibigyan ng nauukol na atensiyong medikal ang mga batang ito.
Hindi pa huli ang lahat. Hindi kailangang lumabas ng bansa ang mga pamilyang may mga anak na may kapansanan para lamang mabigyan ng tamang atensiyong medikal at edukasyon. Maaari natin silang matulungan dito. Kailangan lamang na makalikha tayo ng batas na sisiguro sa tuluy-tuloy na edukasyon ng students with disabilities upang hindi sila mapag-iwanan sa pag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments