top of page

Edukasyon, bibigyang prayoridad sa 2026 budget

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 7
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 7, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa gaganaping pagbuo ng 2026 national budget, maaasahan ng ating mga kababayan na bibigyan natin ng prayoridad ang edukasyon.


Matatandaan na noong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ipinagdiinan niya na patuloy na gagawing prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon. Matatandaan din na sa ilalim ng 1987 Constitution, nakasaad na kailangang bigyan ng pinakamataas na prayoridad ang edukasyon pagdating sa pondo.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, titiyakin ng inyong lingkod na masusunod ang mandato ng ating Saligang Batas, pati na rin ang direktiba ng ating Pangulo. Bagama’t nakikita nating tumataas ang pondo sa edukasyon sa mga nakalipas na taon, mas mababa pa rin ang pondong inilalaan natin kung ihahambing sa ibang mga bansa sa Timog-Silangang Asya.


Kung titingnan natin ang datos ng mga nagdaang taon, lumalabas na umaabot lamang sa 3.8 hanggang 3.9 porsyento ng GDP ang pondong inilalaan ng bansa para sa edukasyon. Kaya naman para sa taong 2026, pagsisikapan nating umabot sa 4% ng GDP ang katumbas ng pondong ilalaan para sa sektor ng edukasyon.


Kasama sa mga nais nating tutukan ang pagpapalakas sa kakayahan ng ating mga kabataan na magbasa, magbilang, at umunawa. 


Sa SONA ng Pangulo, nabanggit niya ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na akda ng inyong lingkod. Mandato ng naturang batas ang pagkakaroon ng mga libreng tutorial para sa mga mag-aaral nating nangangailangan ng tulong, lalo na iyong mga nahihirapang magbasa, magbilang, at umunawa. Titiyakin natin na mapopondohan ang programang ito upang matulungan ang mga mag-aaral.


Nais din nating tutukan ang kakulangan ng mga silid-aralan. Lumalabas na mahigit 165,000 ang kakulangan sa mga classroom, at kakailanganin natin ng P413.6 bilyon upang matugunan ang pangangailangang ito. 


Kinakailangan nating maging maparaan para masolusyunan ang suliranin sa mga classroom, lalo na’t ang ating mga mag-aaral at guro ang mahihirapan kung magpapatuloy ang malaking kakulangan.


Kaya naman iminumungkahi natin ang pagbabalik ng ‘counterpart’ program, kung saan parehong maglalaan ng pondo ang local government units (LGUs) at national government para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan. Iminumungkahi ko rin na LGU ang magkaroon ng responsibilidad upang magpatayo ng mga classroom. Kung sabay-sabay na magpapatayo ang mga LGUs ng silid-aralan, mas madali rin nating mapupunan ang kakulangan sa mga ito.  


Nais din nating bigyan ng prayoridad ang pagkakaroon ng teacher aides sa ating mga pampublikong paaralan. Sa ganitong paraan, mas matututukan ng mga guro ang pagtuturo at hindi na sila mapapagod sa paggawa ng mga non-teaching tasks.


Makakaasa kayo na patuloy na isusulong ng inyong lingkod ang mas transparent na proseso sa pagbuo ng national budget. Patuloy nating tututukan ang mga susunod na hakbang, at makilahok upang matiyak na nagagastos sa tama ang buwis na ating binabayaran.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page