Edukasyon at benepisyo, prayoridad sa Pag-Asa Island
- BULGAR

- 19 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 24, 2026

Nitong nakaraang linggo ay nagkaroon ng oportunidad ang inyong lingkod na makadalaw sa Kalayaan Island Group (KIG), kung saan nakausap natin ang mga lokal na opisyal, ang Philippine Coast Guard, ang mga kasapi ng ating sandatahang lakas.
Sa pagdalaw natin, nakita rin natin ang pangangailangan ng ating mga kababayan sa Pag-Asa Island, lalo na pagdating sa estado ng mga pasilidad.
Kaya naman nakasuporta ang inyong lingkod sa mga kababayan natin sa KIG, lalo na sa Pag-Asa Island, pagdating sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng edukasyon, kalusugan, at maayos na pamamahala.
Bagama’t maliit lamang ang Pag-Asa Island at meron lamang humigit-kumulang 400 na mga residente, mahalaga ang papel na ginagampanan nito sa pagtaguyod ng ating soberanya at pambansang teritoryo.
Ang ating mga kababayan sa Pag-Asa Island at ang kanilang nagpapatuloy na presensya doon ay simbolo ng ating soberanya sa bahaging iyon ng bansa. Kaya naman mahalagang tiyakin nating mapapatatag natin ang mga serbisyo para sa ating mga kababayan sa Pag-Asa Island, lalo na’t pagkilala rin ito sa mahalagang papel na ginagampanan nila para sa seguridad ng ating bansa. Mahalagang tiyakin nating magiging komportable ang ating mga kababayan sa naturang isla.
Bibigyang prayoridad natin ang edukasyon, kalusugan, at ang maayos na pamamahala. Nakausap natin ang punong-guro ng Pag-Asa Integrated School at tiniyak natin ang ating buong suporta sa pagkakaroon ng mas maayos na mga pasilidad para sa kanilang paaralan. Titiyakin din natin ang pagkakaroon ng mas malalaking mga health center upang matutukan ang kalusugan ng ating mga kababayan.
Susuportahan din natin ang pagkumpuni sa kanilang municipal hall na matagal nang hindi nagagamit. Titiyakin din ang patuloy na suporta sa mga pangangailangan ng ating Philippine Coast Guard, lalo na sa pagpapatuloy ng mga patrolya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa pagtaguyod natin sa kapakanan ng ating mga kababayan sa Pag-Asa Island, malinaw ang ating mensahe: ang islang ito ay bahagi ng Pilipinas at patuloy nating pangangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino rito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments