top of page
Search
BULGAR

Eddie Garcia bill, pagprotekta sa mga manggagawa ng TV at pelikula

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 21, 2024


Pasado na sa ikatlong pagbasa ng Mataas na Kapulungan ang Eddie Garcia Bill, kung saan isa tayo sa may akda. Layon nito na pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.


Buong-puso tayong nagpapasalamat sa ating mga kasamahan sa Senado sa pagpasa ng makabuluhang panukalang ito. Malaking bagay ang hatid nito para sa pagtaas ng antas ng kapakanan ng ating mga kasamahang manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.


Ang mga sakripisyo at mahusay na trabaho na ipinamalas ng mga manggagawa sa naturang industriya, na ang layunin ng batas ay mapataas ang kanilang kapakanan. Sila ang mga staff at crew na ang mga kamay ay nagdurugo habang nagtatayo ng mga set at entablado. Ang mga extra na nagtatrabaho buong araw na walang tigil at walang maayos na lugar para maghintay at may napakaliit lamang na kita. Ang mga stuntmen na nagtataya ng kanilang buhay sa mga aksyon na eksena tulad ng pagsabog, pagsusunog, at barilan. 


Bagama’t hindi natin sila madalas na nakikita sa eksena, kahit minsan ay hindi man lang sila nababanggit sa kredito sa dulo ng palabas, ngunit alam nating kung wala sila, hindi magiging sapat ang galing ng mga bida upang maihatid ang mga kuwento na ating sinusubaybayan. Kaya’t para sa kanila ang layunin ng panukalang ito.


Dapat ding bigyan ng parehong halaga at pag-aalaga ang mga manggagawa sa nasabing industriya na ibinibigay sa ibang sektor dahil bukod sa kasipagan ay napakadelikado pa ng kanilang hanapbuhay.


Ganu’n din dapat natin ituring ang ating mga kasamahan sa telebisyon at pelikula, katulad kung paano natin pinahahalagahan ang iba pang mga manggagawa at ang malaking ambag nila sa ekonomiya. Sila ay dedikado at masisipag tulad ng iba, kaya’t hindi dapat nating sila balewalain.


Kaugnay nito ay ipinagkakapuri natin ang yumaong batikang aktor at direktor na si Eddie Garcia na ang pagpanaw ay nagsilbing inspirasyon sa pagsulong para sa mas magandang kondisyon ng trabaho ng mga manggagawa ng pelikula at telebisyon.


Manong Eddie, habambuhay naming dadakilain ang iyong talento at galing, at iyong mabuting pagkatao. Saludo kami sa iyo at sa legasiyang iniwan mo sa amin. Para sa iyo po ang panukalang ito.


Anak ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page