top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

ECQ part 2: ‘Wag puro huli sa pasaway kuno, tumutok sa totoong problema

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 31, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 31, 2021



Dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Kamaynilaan at karatig-lalawigan, pansamantalang luminis ang ilang mga kalsada, partikular sa Maynila dahil ipinagbabawal ang mga vendor, manghuhula, at iba pang pumupuwesto at tumatambay.


Gayunman, sa kabila ng paghihigpit, walang makapipigil sa ilang vendor na patakas na nagbebenta sa lugar. At kahit ipinagbabawal, paliwanag ng tindero, wala siyang magagawa kundi sumuway dahil gutom ang aabutin ng kanyang pamilya.


Bagama’t pinagbibigyan kahit paano ang mga mobile vendor para may kitain at pangkain, mahigpit umanong ipinagbabawal ang maglatag ng puwesto para magtinda.


Matatandaang, ganitong-ganito rin ang eksena noong nakaraang taon nang unang ipatupad ang ECQ sa bansa.


Sa kabila ng lockdown, marami ang napipilitang lumabas para kumayod upang maibsan ang kumakalam na sikmura, at ngayong taon, unti-unti na namang nauulit ang mga pangyayari.


Kaya ang tanong, maituturing bang pasaway ang mga lumalabag o talagang no choice sila dahil kailangang kumayod para may makain?


Isang linggong ECQ pa lang ito, kaya paano kung tumagal pa gayung inihihirit na palawigin pa ito?


Napakaraming tanong, pero sa ngayon, ang tanging magagawa ng taumbayan ay dumiskarte para makaraos sa araw-araw, sa kabila ng panganib na mahawa ng virus.


Kaya ang panawagan natin sa mga kinauukulan, sana’y magkaroon ng kongkreto at makatotohanang hakbang kontra pandemya sa isang linggong ECQ na ito.


Isa pa, ‘wag tayo puro huli sa mga pasaway kuno dahil kailangan din nating maunawaan kung bakit lumalabag ang mga ito.


Kung may sapat tayong ayuda para sa lahat ng apektado ng lockdown, hindi kailangang lumabas at makipagsapalaran ng ordinaryong mamamayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page