Search
  • BULGAR

Ebondo ng CEU at Pare ng St. Clare, ready sa 2021 AfroBasket Qualifiers

ni Anthony Servinio - @Sports | October 13, 2020




Napili ang mga lungsod ng Kigali, Rwanda and Alexandria, Egypt bilang punong abala ng mga bubble tournament para sa pagbabalik ng 2021 FIBA AfroBasket Qualifiers ngayong Nobyembre 27 hanggang 29. Tiyak na aabangan ang ilang manlalaro na hinubog ang kanilang husay sa Pilipinas at ngayon ay maglalaro para sa kanilang mga pambansang koponan.


Kasama sina Rodrigue Ebondo ng Centro Escolar University at Democratic Republic of Congo at Mohamed Pare ng Saint Clare College of Caloocan at Mali sa mga kandidato. Parehong mga nagwagi ng Most Valuable Player ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) ang dalawa at ito ang naging susi para makuha ang pansin ng kanilang pederasyon at maimbitahan para sa pinakamalaking torneo ng kontinente.


Gagawin ang Grupo A, B at D sa Kigali habang ang Grupo E ay maglalaro sa Alexandria. Ang unang tatlo sa bawat grupo lamang ang tutuloy sa 2021 AfroBasket sa Kigali na nakatakdang magsimula sa Agosto 24, 2021.


Ang Rwanda ay nasa Grupo D kasama ang Nigeria, Mali at Algeria. Kabilang sa Grupo A ang kasalukuyang kampeon Tunisia, Central African Republic, Democratic Republic of Congo at Madagascar habang nasa Grupo B ang Senegal, Angola, Mozambique at Kenya.


Ang Grupo D ay kabibilangan ng Egypt, Morocco, Uganda at ang magwawagi sa wild card tournament mula Oktubre 22 hanggang 24 sa Yaounde, Cameroon. Kalahok sa nasabing torneo ang Chad, Cape Verde at South Sudan.


Natapos na bago pumutok ang pandemya ang unang anim na laro sa Grupo C noong Pebrero tampok ang Cote d’Ivoire (3-0), Cameroon (2-1), Equatorial Guinea (1-2) at Guinea (0-3). Naglaro para sa Cameroon ang dating De La Salle University Green Archer at UAAP MVP Benoit Mbala at nagtala siya ng mga numerong 12.0 puntos at 9.7 rebound.


Aayusin pa ang kalendaryo ng mga laro para sa mga nalalabing laro ng limang grupo sa Pebrero sa susunod na taon. Patuloy na babantayan at pag-aaralan ng FIBA ang sitwasyon at maglalabas agad ng ulat kung kailangan.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.