Ebidensya na magpapatunay ng kasal
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 17, 2022
Dear Chief Acosta,
Walang nakitang marriage contract ang aking mga magulang kaya hindi diumano sila maituturing na ikinasal. Ang hindi ba pagpapakita ng nasabing kontrata ay patunay na walang kasalang naganap sa pagitan ng aking mga magulang? - Imo
Dear Imo,
Ang iyong katanungan ay tinalakay na ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Arturio Trinidad vs. Court of Appeals, et al. (G.R. No. 118904, 20 April 1998), na isinulat ng Kagalang-galang na dating Punong Mahistrado Artemio V. Panganiban, Jr., kung saan binigyang-linaw na ang hindi pagpapakita ng marriage contract ay hindi katibayan na walang nangyaring kasal:
“To prove the fact of marriage, the following would constitute competent evidence: the testimony of witness to the matrimony, the couple’s public and open cohabitation as husband and wife after the alleged wedlock, the birth and the baptismal certificates of children born during such union, and the mention of such nuptial in subsequent documents.
In the case at the bar, the petitioner secured a certification from the Office of the Civil Registrar of Aklan that all records of births, deaths and marriages were either lost, burned or destroyed during the Japanese occupation of said municipality. This fact, however, is not fatal to the petitioner's case. Although the marriage contract is considered the primary evidence of the marital union, petitioner’s failure to present it is not proof that no marriage took place, as other forms of relevant evidence may take its place.” (Binigyang-diin)
Ayon sa nabanggit na desisyon, ang marriage contract ang pangunahing ebidensya ng kasal. Gayunman, maaari ring mapatunayan ang naganap na kasal gamit ang mga sumusunod na katibayan: (1) testimonya ng mga testigo sa kasal, (2) pampubliko at lantad na pamumuhay ng bilang mag-asawa pagkatapos ng kasal, (3) sertipiko ng kapanganakan at binyag ng anak na nagpapakita ng kapanganakan pagkatapos ng kasal at (4) mga sumunod na dokumento, kung saan nabanggit ang kasal.
Samakatuwid, ang kawalan ng kopya ng marriage contract ng iyong mga magulang ay hindi katibayan na ang kanilang kasal ay hindi naganap. Ang marriage contract ay pangunahing ebidensya lamang ng kasal ng iyong mga magulang. Tulad ng nabanggit, mayroon pang ibang ebidensya na maaaring gamitin para patunayan ang kasal ng iyong mga magulang.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payo na aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments