Easy Way, hindi hiningal sa 3-YO Maiden Race
- BULGAR
- Mar 20, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 20, 2023
Walang kahirap-hirap na tinalo ni Easy Way ang mga nakatunggali sa "3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado.
Umaarangkada agad paglabas ng aparato si Easy Way para hawakan ang unahan at manalo ng banderang tapos kontra 13 tigasing kabayo.
Pagsapit ng far turn ay nasa tatlong kabayo ang lamang ni Easy Way, hindi nagbago hanggang sa home turn kaya naman magaan na tinawid nito ang meta ng may pitong kabayo ang agwat sa pumangalawang Bantay Sarado.
Ginabayan ni jockey MP Canete, nirehistro ni Easy Way ang impresibong tiyempong 1:25.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si JC Dyhengco ang P20,000 added prize.
Pangatlong dumating si Cash On Hand habang pumang-apat si Winner Parade sa event na suportado ng Philippine Racing Commissin, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairmman Reli De Leon.
Hinangaan din ng mga karerista ang pagkakapanalo ni Effen Herstal sa Condition race (22) na pinakawalan sa pangalawang karera.
Sinakyan ni jockey RA Base, hinamig ni Effen Herstal ang karagdagang P10,000 premyo para sa may-ari ng kabayo.
Samantala, may pitong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Sabado kaya naging masaya ang pananaya ng mga karerista.





Comments