Easy Does It wagi sa Hopeful Race
- BULGAR
- Jun 14, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 14, 2023
Nagpakitang-gilas noong Sabado ng hapon si Easy Does It na nanalo sa 2023 PHILRACOM Hopeful Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Sinakyan ni jockey Jomer Estorque, inirehistro ni Easy Does It ang tiyempong 1:54 minuto sa 1,800 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Sinungkit ng winning horse owner ang P900,000 sa pagkakapanalo ni Easy Does It, habang napunta ang P300,000 sa pumangalawang si Glamour Girle.
Dumating na tersero si Winner Parade na humamig ng P150,000 habang sinikwat ni fourth placer BadBoy MJ ang P75,000 premyo.
Hindi rin umuwing luhaan ang fifth placer na si Chrome Bell dahil nagbulsa ito ng P45,000.
Pang-anim na lumabas sa largahan si Easy Does It at nanatili sa puwesto hanggang kalagitnaan ng karera pero sa far turn ay kumuha ito ng unahan at hindi na ito binitiwan hanggang sa meta.
Ayon sa komento ng mga karerista, maganda ang pagkakadala ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate kay Easy Does It. "Kalmado lang si Jeff (Zarate) nag-abang lang tapos ng makakita ng pagkakataon ay saka umatake," saad ni Ben Gomez, veteran karerista.
Samantala, hinahanda si Easy Does it sa mas malaking karera para sa susunod niyang takbo kaya tiyak na inaabangan ito ng kanyang mga tagahanga.





Comments